Sanggunian ng AC, suportado ang hinaing ng mga taga-riles

    506
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG ANGELES – Suportado ng Sangguniang Panglungsod (SP) dito ang hinaing ng mga informal settlers na nagsagawa ng kilos protesta dahil sa napipintong relokasyon ng mga ito sa Northville 15 sa Barangay Cutud.

    Matatandaang kamakailan ay nagpalabas ng isang resolusyon ang SP ng Angeles upang manawagan sa Pangulong Arroyo na pansamantalang ipatigil ang relokasyon sa Northville 15 hanggang hindi naisasaayos ang reklamo ng mga lilipat dito.

    Ayon sa SP, kung maari ay ilipat na lamang ang mga informal settlers kung naihanda na ang aktuwal na konstruksyon ng riles habang isinasaayos naman ang mga lilipatan nila.

    Ayon kay Konsehal Jay Sangil, karapatan ng mga naninirahan sa riles na mailipat sa maayos na tirahan.

    Nanawagan din si Sangil sa Senado at Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon sa contractor ng naturang pabahay na Ferritz at siyam pang mga sub-contractors nito upang matukoy kung may anumalyang naganap sa kinalabasan ng relokasyon.

    Ayon naman kay Vice Mayor Vicky Vega-Cabigting, dapat papanagutin kung sinoman ang may sala sa depektibong kinalabasan ng mga pabahay sa Northville 12.

    Ipinakita pa ng mga miyembro ng SP ng Angeles ang mga hollowblocks na ginamit sa pabahay na madaling mangatibag.

    Samantalang, nagbanta naman ang mga residente sa riles na hindi sila titigil sa pagsasagawa ng mga kaugnay na protesta hanggang hindi naisasaayos ang kanilang lilipatan sa Northville 15.

    Matagal na umano nilang idinulog sa NHA ang kanilang reklamong ito ngunit hindi sila dinidinig ng naturang ahensya.

    Anila, dapat na isaayos ang kanilang lilipatan dahil sa hindi naman ito libre at kanila ding babayaran sa pamahalaan.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here