Home Headlines Samal-leg ng Wrong Outfit Edition masayang nilahukan ng mga runners

Samal-leg ng Wrong Outfit Edition masayang nilahukan ng mga runners

448
0
SHARE

SAMAL, Bataan – Naging mas makulay at mas masaya ang pagdaraos ng Samal leg ng Hataw Takbo matapos sumali ang mga runner na nakasuot ng iba’t ibang uri ng costume bilang bahagi ng temang “Wrong Outfit Edition” ng buwanang programa ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan.

Ayon kay Samal Mayor Alexander Acuzar, bahagi ang aktibidad ng programang naglalayong itaguyod ang malusog na pamumuhay sa mga Bataeño sa pamamagitan ng regular na pagtakbo at iba pang gawaing pisikal.

Sinabi ni Acuzar na buwan-buwan isinasagawa ang Hataw Takbo sa iba’t ibang bayan ng Bataan, kung saan nagiging pagkakataon ito upang mahikayat ang publiko na pangalagaan ang kalusugan habang nakikilahok sa mga aktibidad ng komunidad.

Bukod sa mga kalahok mula sa iba’t ibang bahagi ng Bataan, dinarayo rin ang programa ng mga runner mula sa mga karatig-probinsiya.

Lalong naging makulay ang aktibidad sa pamamagitan ng “Wrong Outfit Edition,” kung saan nagsuot ang mga kalahok ng sari-saring costume na nagdagdag ng aliw at kakaibang karanasan sa kanilang pagtakbo.

Ayon sa alkalde, ideya ng kanilang mga staff ang pagdaragdag ng naturang pakulo upang higit na maging masaya at kaakit-akit ang programa sa mga kalahok.

Sa pamamagitan ng Hataw Takbo, patuloy na isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ang kahalagahan ng ehersisyo at malusog na pamumuhay, kasabay ng pagpapatibay ng samahan at pakikilahok ng mga komunidad sa Bataan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here