LUNGSOD NG SAN FERNANDO — “Under warranty pa ito. 2024 project ito, wala pang five years. Kailangan gawin ito, ayusin ito, pero kailangang ayusin ito nang tama, katulad ng ginawa natin sa Mindoro. Nakapagtataka talaga kung bakit isang taon pa lang, bumigay na ito.”
Ito ang nasambit ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon pagkakita sa nasirang bahagi ng San Mateo Flood Control Project sa bayan ng Arayat, Pampanga sa kanyang pag-inspeksyon nitong Oct. 9 kasama sina Vice Gov. Dennis “Delta” Pineda at Arayat Mayor Jeffrey Luriz.
“Papabunot na ito, papa-check natin kung tama ang sukat ng sheet piles nito. 36 meters dapat ito. Tingnan natin kung totoo nga ito. Kung mapakita na ganoon din, ganoon din ang kasong iyon, siguradong kulong lahat ng involved dito,” giit pa ni Dizon.
Isang taon pa lamang ang proyekto ngunit agad na itong nakitaan ng malalaking pinsala, kabilang ang humigit-kumulang 250 metrong nasirang kalsada at 56 linear meters ng sheet pile.
Batay sa mga espesipikasyon ng proyekto, dapat umanong umabot sa 36 metro ang haba ng mga sheet pile, na maihahambing sa taas ng isang 10-palapag na gusali.
Samantala, iginiit ni Vice Gov. Pineda na hindi palalampasin ng Kapitolyo ang anumang kapabayaan o iregularidad sa pagpapatupad ng proyekto.


Aniya, kapag napatunayang may pananagutan ang mga indibidwal o kumpanyang sangkot sa proyekto, personal na mangunguna ang pamahalaang panlalawigan sa paghahain ng kaukulang reklamo laban sa mga responsable.
“Commitment namin sa inyo, kapag hindi tama ang sukat niyan, magfa-file kami agad ng case with the permission of our secretary. Hindi lang contractor, lahat ng nandoon mananagot,” dagdag pa ni Pineda.


Maghahain din umano ang DPWH ng kahilingan para sa hold departure order laban sa mga sangkot na indibidwal, alinsunod sa naaangkop na legal na proseso, upang matiyak na mahaharap sila sa imbestigasyon at posibleng pananagutan.
Hindi naman pinangalanan ang contractor ng nasirang flood control project. Pampanga PIO/Photos: Luisse Rutao



