Isang malaking suliraning ating nararanasan ay ang jueteng. Hindi man ramdam ito nang agaran sa hapag kainan at sa sikmura ng mamamayan pero may malaki itong epektong pangmatagalan.
Ang perang nakukurakot ng jueteng lords pati na rin ng kanilang mga “protectors” ay maaari sanang nailalagay sa kaban ng bayan, na siyang dapat na nagagamit upang ang tao’y mapakain, mapag-aral, at sa dulo ng lahat ng ito, mabigyan ng magandang buhay at kinabukasan.
Marami ng solusyong naihapag, ngunit nariyan pa rin ang problema. Marami nang nagsabing lalaban sila, ngunit wala pa ring tuwirang tagumpay.
Pasensya na subali’t gasgas na gasgas na ang kasabihang ang sulusyon ay “political will” lamang pero sa kongkreto ano nga ba ang maaaring gawin?
May mga gusto akong ihapag na mungkahi subali’t sa likod nito ay ang tuwirang paghahayag na pagkatiwalaan ang Pangulo sa usaping ito.
Nang sinabi niyang natagpuan na ang lunas laban sa jueteng, dapat tayong manalig na nahanap na nga itong solusyon para sa suliraning gumigimbal sa atin mula pa noong panahon ng mga Kastila.
Ang mga spekulasyon na ang tugon sa isyung ito ay pareho lang sa dati ay hilaw pa.
Dapat nating antayin muna ang tiyak na plano sa kung paano susugpuin ang jueteng bago tayo magkomento.
Ano ang mga mungkahi kong ito?
Una, dapat gamitin ng pamahalaan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) at ang Kagawaran ng Rentas Internas o BIR sa pagtugis sa mga operator ng jueteng.
Kung ang kamay ng batas ay hindi sila mahawakan, baka ang mas matibay na kamao ng ating mga tanggapang pampinansya ang maaaring makahuli sa kanila.
Kung ang AMLC at BIR ay parehong may kakayahang ibunyag ang mga liability ng ating pinakamataas na mahistrado noong panahon ng impeachment, kaya rin nila itong gawin para sa mga hari ng jueteng.
Pangalawa, kung nabanggit na na ang kompetisyon ay ang pinaka-epektibong paraan para ihinto ang jueteng, nararapat lamang na huwag nating isara ang pinto sa mga puwersa ng merkado upang makatulong ang mga ito sa ating layunin.
Kung ang grassroots gaming ay bukas, kontrolado, hindi puwersahan, at hindi talamak; kung mapapatunayang hindi ito nakahihikayat ng katiwalian, nakabubuti sa publiko, magdadagdag sa kaban ng mga bayan, at ipinapatakbo ng pamahalaan, dapat natin itong idaan muna sa pilot-testing kasama ng katiyakang ititigil ito kung ang kapakanan ng publiko ay hindi naisasaalang-alang.
Pangatlo, sinuman ang maitalaga bilang Interior and Local Government Undersecretary, dapat bigyan ng malinaw na mandato para labanan ang jueteng.
Sa katunayan, ang pagtatalaga ng Undersecretary ay maaaring gawing probationary status at pwede lamang gawing permanente kung may mga nagawa na siya sa laban natin kontra jueteng.
Isa sa maraming pinagkakaabalahan ni DILG Secretary Jesse Robredo ay isang pagsiyasat sa jueteng bago bumagsak ang eroplano niya. Kailangan nating magtulungan sa usaping ito para hindi masayang ang kanyang buhay at upang tulungan si Pangulong Noynoy Aquino at ang ating bayan.
Kailangan nating lumaban! Tayo mismo, kailangang kumilos. Utang natin ito sa ating mga sarili—na hindi na tayo manakawan ng tiwali gamit ang mga bisyo ng pagsusugal.
Maiba naman, magsugal tayo para sa kinabukasan natin at hindi para sa panandaliang pagkapanalo para ang bayan naman ang tunay na manalo.