Kalayaan na ba nating maituturing
Ang tubog sa tansong kasarinlan natin,
Kung saan anino ni Sam ang siya pa rin
Itong kumukumpas sa likod ng tabing?
Liban sa iba pa na gaya ni Seng Hua,
Na anhin na lang ay masakop ang bansa
Sa di makatao’t di kaaya-aya
Na pamamaraang nais isagawa.
Kaya papaanong ating masasabi
Na tayo nga’y tunay nang nagsasarili,
Kung sa kabila n’yan sa araw at gabi
Tayo ay saklot ng panganib parati?
Sanhi na rin nitong tayo’y di pa ganap
Na nakawala sa kukong matatalas
Ng mapang-aliping sa lahat ng oras
Nakamasid mula sa ibayong dagat.
Sapagkat tama at tayo’y may sariling
Pamahalaan nga na talagang atin,
Pero patalikod tayong sinisikil
At minamaltrato lalo ni Xi Jinping.
Kung saan pati ang ating karapatan
Sa pagmay-ari ng ilang karagatan
Na sakop natin ay panakaw nilang
Tinatayuhan gusali’t tanggulan.
Na hayan patuloy itong pagtatangka
Nilang mahawakan sa leeg ang bansa,
Na mula at sapol ay ganito na nga
Ang intension n’yan na nakababahala.
Sa puntong ito ay anong kasarinlan
Ang dito sa atin ngayon nananahan
Kundi ng kawalan nitong katatagan
Ng hindi pa ganap nating kalayaan?!
Kinakaibigan tayo n’yan kunwari
Sa pamamaraang may ngiti sa labi
Pero palihim nga ay ang dating gawi
N’yan na mapangkam itong maghahari.
Kaya kung di tayo magiging alisto
At matunog sa di gawa nitong wasto,
Bukas makalawa pag-aaring piho
Na n’yan itong ating bansa, kabayan ko!
At maging kay Sam ay huwag ding magtiwala
Nang ganap sapagkat may tago ring gawa,
Na posibleng bukas, ang ating tiwala
Sa kanya ay maging marupok na bula.
Sa ganyang pangit na ating pangitain
Kay Sam, partikular d’yan kay Xi Jinping,
Di malayong itong kutob ng damdamin
Ng nakararami mabigyan ng pansin.
Upang sa gayon ay dakila at tunay
Na kalayaan ang ating sumakamay,
At di itong huwad nga na kasarinlan
Ang mangibabaw sa ating kapuluan.
Na sa ganang atin ay marapat lang na
Ating ipaglaban kahit kanino pa,
Itong kung tawagin nati’y demokrasya,
Pero sa likuran ay may nagdidikta~.