(Ikalawang bahagi)
1.
Mayroon din namang sagot hinggil sa elektrisidad
na gagamitin sakaling itayo ang pasilidad
plano nila’y magtayo ng isang embedded power plant
na may mataas na wattage at kuryenteng de kalidad
subalit kahit ano pa ang kanilang paliwanag
sa nabanggit na proyekto’y maraming sumasalungat
2.
Sa Tarlac ay naglunsad na ng mga kilos protesta
hinggil sa pagpapatayo ng nasabing Pax Silica
hindi lang ang mga tao na may lupang sinasaka
ang mga tumututol at nagpahayag ng pangamba
pati mga katutubong kapatid nating Aeta
dahil sila’y apektado lumahok at nakiisa
3.
Batid naman ng lahat na ang kanilang kabuhayan
nakadepende lamang sa nakalbo ng kabundukan
sila’y hindi nararapat alisan ng karapatan
mamuhay ng payapa sa lupa nilang kinagisnan
ang mga ancestral domain mga lupang pangsakahan
di ba ay mayroong batas upang sila’y protektahan?
4.
Subalit may pangyayaring kailan lamang napaulat
na ang mga magsasaka sa bayan ng Capas, Tarlac
ay iniimbitahan daw at nais na makausap
na tila may pananakot at kasamang pangha-harass
di ba pwedeng daanin sa maayos na pag-uusap?
at hindi na kailangan pang sila’y gamitan ng dahas
5.
Kung ayaw ng mga tao bakit sila pipilitin?
sila ay may karapatang dapat lang na kilalanin
kung ang ginagawa nila sa kanila kaya gawin?
sa galit ay hindi kaya magpupuyos ang damdamin?
ang kababaan ng loob nararapat pairalin
upang isakatuparan kung ano man layunin
6.
Kung sakaling magtayo ng mga data centers dito
ang kalikasan ba natin ay hindi masasakripisyo?
ang usok at alikabok ba na ibubuga nito
walang dulot na panganib sa kalusugan ng tao?
hangad naman nating lahat na ang bansa’y umasenso
ngunit dapat sa paraang maka-Diyos at makatao
Ang isang bentahe lamang na aking nakikinita
sakali mang maitayo sa atin ang Pax Silica
tayo’y pwede ng sumabay at makipagkumpitensiya
dahil tataas ang antas ng ating teknolohiya
at dahil kasosyo natin itong bansang America
maaaring tumigil na sa pambu-bully ang Tsina



