Home Opinion sa bawa’t larangan, may pagsubok

sa bawa’t larangan, may pagsubok

113
0
SHARE

minsan naisip kong pagiging sundalo,
kayang ipagtanggol, ang bayang mahal ko,
nguni’t sa kabila, aking napagtanto,
pinaglalaban ba’y, tutoong gobierno?

pagbungkal ng lupa, nais ding danasin,
ating taumbayan, ay hindi gutumin,
nguni’t napagwari, mahal ang gastusin,
mauwi sa wala, kahit may anihin.

pati ang mundo ng isang pulitiko,
maglingkod sa bansa’t kapwa Pilipino,
kaya lang ang takot, mabulid sa tukso,
at mababahiran, aking pagkatao.

maging kontratista, akin ding pangarap,
gumawa ng daan, tulay na matatag,
nguni’t kung kausap, pulitikong korap,
malaking porsiento, ang gustong ikaltas.

pagiging ‘blogger’ ay, nais ding landasin,
malayang ihayag, anong sa damdamin,
kung tumutuligsa’t panig ko’y idiin,
ayaw mabusalan, kahit na ‘sang kusing.

kaya lang ang ilan, biglang humihinto,
ang pagbabatikos, nag-ibang konteksto,
simulat-simula, ay panay negatibo,
at sa bandang huli, puro positibo.

gusto ko rin sanang huwarang husgado,
maghatol ng tama, walang sinisino,
nguni’t nangyayari, pasya’y di tutoo,
katulad ng iba, ay nagkakanulo.

ngayon ay nais ko, makatang may dangal,
walang nagdidikta, liban ng isipan,
yaring aking pluma, ang tinta’y dalisay,
ang bawa’t pag-akda’y pinag-aaralan.

ano mang larangan, ating tinatahak,
‘wag madudungisan, magiging matapat,
ang nakaw na rangya, konsensyang katapat,
karma ay darating, di ngayon, o bukas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here