Ricky Rivero recalls ordeal with a killer

    401
    0
    SHARE

    Eksklusibong nakapanayam ng The Buzz ang aktor/assistant director na si Ricky Rivero at doon ay ikinuwento niya ang buong detalye ang insidenteng muntik nang kumitil sa kanyang buhay.

    Matatandaang pinagsasaksak si Ricky noong June 13 sa kanyang bahay mismo at ang suspect ay nagngangalang Hanz Ivan Ruiz na nakilala niya sa Facebook.

    Positibong kinilala ni Ricky si Hanz na siyang sumaksak sa kanya sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan noong madaling-araw ng June 13. Hindi raw ito ang unang pagkakataon na natulog ang lalaki sa kanyang bahay at pangatlo na raw ito.

    Sa kuwento ni Ricky ay maayos naman daw sila bago sila natulog at ni hindi nag-away. Wala rin daw binabanggit na problema ang suspect.

    Nagising na lang daw siya na pinagsasaksak na siya ng lalaking katabi. Pero sa kabila ng marami na siyang saksak ay nagawa pa ni Ricky na malabanan ang lalaki habang tinanong ng “bakit mo ako sinasaksak?”

    Good thing ay malakas pa rin siya at kahit duguan na ay nahawakan niya ang kamay ng lalaki at nai-pin down sa sahig.

    Nagawa rin niyang makatakbo pa sa banyo at mag-shower para tingnan kung gaano karami ang kanyang tama.
    “Paglabas ko ng banyo, kukunin ko na ang susi ko, sinalubong niya ako ng tuwalya, tapos tinalian niya ako sa leeg,” kuwento pa ni Ricky.

    So, naglaban na naman sila. Dito na nga raw nagsalita ang suspect na kailangan nito ng pera dahil mamamatay daw ang ama nito na nasa hospital.

    Ang sagot naman daw niya, “oo, bibigyan kita ng pera pero kailangan ko munang makapunta sa hospital, ngayon na.” Masuwerte pa rin si Ricky na talagang nakatakbo pa siya palabas ng bahay, nai-drive pa niya ang kotse patungo sa Heart Center at ngayon nga ay buhay na buhay pa.

    Ayon daw sa kanyang doktor ay 17 saksak ang tinamo niya at contrary sa mga unang report na bread knife ang ginamit sa pananaksak, sey ni Ricky ay steak knife, matulis at matalim.

    Habang nagda-drive siya patungong hospital ay ipinagdarasal daw niya na huwag siyang mawalan ng malay hanggang sa makarating siya sa pagamutan na siya ngang nangyari.

    Nahuli naman ang suspek at ngayon nga ay nahaharap sa kaso na ayon kay Ricky ay itutuloy niya dahil kailangan nitong pagbayaran ang ginawa sa kanya.

    Sa kabuuan, napakasuwerte pa rin ni Ricky na na-survive niya ang 17 saksak at kahanga-hanga ang ipinakita niyang pakikipaglaban sa salarin para sa kanyang buhay.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here