Resulta sa protesta ni Obet posibleng abutin ng eleksyon

    286
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS—Posibleng abutin pa ng halalan sa susunod na taon bago lumabas ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) sa election protest na isinampa ni dating Gob. Roberto Pagdanganan laban kay Gob. Joselito Mendoza.

    Sinabi rin ng Comelec na bababa ang bilang ng mga election protest sa susunod na halalan dahil sa mababawasan ang mga dayaan sa pamamagitan ng automated elections.

    “Baka abutin ng three to five months pa bago madesisyunan iyan ng Comelec,” ani Comelec Commissioner Armando Velasco patungkol sa protesta ni Pagdanganan laban kay Mendoza ng siya ay makapanayam ng Punto sa telepono.

    Ito ay nangangahulugan na baka sa Enero o kaya ay sa buwan ng Marso pa ilabas ng Comelec ang desisyon sa nasabing protesta.

    “They will have to consider again the appreciation of the ballots,” ani Velasco patungkol sa mga bumubuo ng second division ng Comelec o ang grupo ng mga komisyuner ng Comelec na dumidinig sa nasabing protesta.

    Una rito, ibinasura ng Korte Suprema noong Oktubre 15 ang petisyon ni Mendoza na naglalayong patigilin ang Comelec sa pagsasagawa ng proseso ng nasabing protesta.

    Ang pagbasura ng Korte Suprema sa petisyon ni Mendoza ay nangangahulugan din na dapat ng desisyunan ang nasabing kaso.

    Ilang araw matapos ilabas ng Korte Suprema ang desisyon, nanawagan si Mendoza kay Pagdanganan na itigil muna ang pamumulitika at unahin ang pagbangon sa mga Bulakenyong nasalanta ng kalamidad na hatid ng bagyong Ondoy.

    Sinabi pa niya na naniniwala siya na lalabas din ang katotohanan sa nasabing halalan.

    Ngunit para ka Pagdanganan, lumamang siya sa pagrebisa ng Comelec sa mga balota sa Bulacan.

    Matatandaan na matapos ang halalan noong Mayo 2007, isinampa ni Pagdanganan ang protesta laban kay Mendoza, at sinabing nadaya siya sa ibat-ibang presinto sa 10 bayan at lungsod sa lalawigan.

    Kaugnay nito, sinabi ni Velasco na bababa ang bilang ng mga election protest pagkatapos ng automated elections sa susunod na taon.

    “Baka mga 10 percent na lang ang isampang protesta sa susunod na taon kumparra noong 2007,” ani Velasco.

    Gayunpaman, sinabi niya na ang dami ng mga protesta  ay depende pa rin sa kalalabasan ng halalan.

    “We are breaking new grounds, so titingnan din natin kung saan magkakaron ng dayaan na magiging basehan ng protesta,” ani ng komisyuner.

    Iginiit pa niya na kung liliit ang bilang ng mga protestang isasampa, malaki rin ang posibilidad na mapabilis ang proseso nito dahil kakaunting protesta ang pag-uukulan ng oras ng Comelec. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here