Residente nangangamba sa pagsunog ng mga baboy

    698
    0
    SHARE
    PANDI, Bulacan—Nangangamba ang ilang residente sa baying ito dahil sa gagawing pagsusunog ng mga baboy mula sa isang hog farm sa Barangay Sto. Nino na tinamaan ng Ebola Reston Virus.

    Ayon kay Romeo Morales, residente malapit sa naturang hog farm, nangangamba sila sa posibleng epekto sa kanilang kalusugan sa gagawing pagsusunog ng mga baboy.

    Aniya, posible nitong mahawa lalo na ang mga bata kayat sila ay nagtatanong-tanong sa kinauukulan kung paano ang gagawing proseso sa pagpatay sa mga baboy.

    Ayon naman kay Alfredo Rodriguez, kapitan ng Barangay Sto.Nino, nangangamba siyang baka kumalat sa iba pang baboy sa mga kalapit na hog farm ang naturang virus sa gagawing pagsusunog ng mga baboy sa kanilang barangay.

    Aniya, baka matangay ng hangin ang usok na magmumula sa sinunog na mga baboy sa iba pang nag-aalaga ng mga baboy na wala namang sakit na Ebola Reston Virus.

    Ngunit ayon naman sa ilang residente doon, naniniwala silang walang masamang epekto sa mga tao ang natuklasang Ebola Reston Virus sa mga baboy.

    Samantalang una rito ay nagpahayag na ang Bulacan Provincial Health Office na walang dapat ikatakot ang publiko hinggil sa pagsalin ng sakit na Ebola Reston Virus sa mga tao.

    Batay sa ulat, ang dalawang manggagawa sa Pandi, Bulacan na natuklasang positibo sa Ebolo RestonVirus ay hindi naman nakakahawa, hindi naratay sa pagkakasakit at normal na namumuhay.

    Anila, ang mga manggagawang nagpositibo sa Ebola Reston Virus ay naanalisa bilang isang anti-body o nagdeveloped bilang pangontra laban sa naturang sakit at wala pang pagpapatunay na naisasalin ang sakit na Ebola Reston Virus ng tao patungo sa isa pang tao.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here