Pyro makers tutol sa panawagan ng DOH

    88
    0
    SHARE

    MEYCAUAYAN CITY, Bulacan – Tutol ang mga kasapi ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Associations Inc., (PPMDAI) sa panawagan ni Health Secretary Enrique Ona na i-donasyon na lamang sa mga nabaha sa Mindanao ang ipambibili ng paputok.

    Ayon kay Vimmie Erese, pangulo ng PPMDAI, maging ang mga kasapi nila ay naghahanda rin magpahatid ng mga donasyon sa mga biktima ng kalamidad sa mga Lungsod ng Cagayan De Oro at Iligan sa Enero.

    Iginiit pa niya na nakahanda rin ang PPMDAI na i-donasyon ang bahagi ng kanilang kikitain sa taong ito sa mga biktima ng kalamidad, bukod sa pangungulekta nila ng donasyon sa mga mamimili ng paputok.

    Ngunit ang planong ito ay nakadepende sa magiging benta nila ng mga paputok sa nalalapit na pagsalubong sa Bagong Taon.

    “Paano kaming makapagbibigay ng mas malaking donasyon kung kakaunti ang mamimili ng produkto namin,” ani Erese.

    Sinabi niya na maging mga kasapi ng PPMPDAI ay kabilang sa mga nabaha, partikular na sa Bulacan noong Setyembre at Oktubre, at sa Mindanao nitong nakaraang linggo.

    Ayon kay Erese, ikinagalak na nila ang paglulunsad ng kampanyang Aksyon Paputok Injury Reduction (APIR) ng Department of Health (DOH) nitong unang Linggo ng Disyembre, dahil iyon ay pabor sa industriya.

    Sinabi niya na ang panibagong panawagan ni Ona na i-donasyon na lamang ang pambili ng paputok sa mga biktima ng kalamidad sa Mindanao ay maituturing na panibagong dagok sa kanilang industriya.

    “Parang panibagong kalamidad ito, hindi pa kami nakakabangon dahil sa pagbaha sa Bulacan at Mindanao, may panibagong panawagan na naman laban sa industriya ng paputok,” ani Erese.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here