Punto sa ika-5 taon

    3980
    0
    SHARE

    MALOLOS CITY—Kay bilis lumipas ng panahon, parang kahapon lamang napag-usapan ang planong paglalathala ng Punto Central Luzon bilang isang pag-araw-araw na pahayagan sa rehiyon.

    Sariwa pa sa ala-ala ang sunod-sunod na tawag at text messages ni Joey Aguilar sa mga dating kasamang mamamahayag sa Manila Times Central Luzon Bureau.

    Mula sa Bulacan, Zambales, Nueva Ecija at maging sa Bataan, hindi niya tinantanan.  Hinikayat at tiniyak na magpapadala ng mga istorya bawat araw.

    Ito ay habang binubuo ni Joey ang editorial team ng Punto sa Pampanga kasama ang layout artist at account executive para sa advertising at kasapi ng circulation team.

    Katulad ng isang sanggol na natututong magtalalan at lumakad, may mga pagkakataon na natisod ang Punto.  Nadapa, ngunit sa kabila nito, agad na umigpaw upang muling makabangon.

    Siyempre, kantiyawang umaatikabo ang kasunod lalo na kung ang pagkakamali ay sa  nagdudumilat na headline, o kaya ay sa mga banner stories.

    Ngunit ang mga pagkakamaling ito ay hindi naging sagabal sa Punto. Sa halip ay higit na  nagpatibay ang mga aral na ito sa mga taong nasa likod ng pahayagan.

    Sa hindi mabilang na pagkakataon, naungusan ng Punto ang iba pang pahayagan sa Pampanga sa larangan ng pagbabalita.  Iskup, wika nga.

    Ngunit ang mga iskup na ito ay bahagi na ng industriya mula pa nang maging isang propesyon ang pamamahayag.  Hindi na ito itinatangi ng Punto.

    Gayunpaman, nagpatuloy ang Punto at sa bawat araw ng paglalathala nito ay naging mapaghamon sa kasalukuyang kalagayan at pananaw sa paniniwalang iyon ang totoo at matuwid.

    Kabilang dito ay ang paglalathala ng mga istorya, larawan at mga opinyon hinggil sa kakulangan ng mga pamahalaang lokal at namumuno dito.

    Sariwa pa sa ating ala-ala ang pagbangga ng Punto sa pahayag ng pamahalaang Lungsod ng San Fernando hinggil sa pagsisinop ng basura.

    Ang programang ito ay ibinandera ng ilang pahayagan bilang isang tagumpay, ngunit pinasinungalingan ito ng larawang inilathala ng Punto sa mga sumunod na araw.

    Nitong nakaraang linggo, muling binalikan ng Punto ang istoryang iyon batay sa naging pahayag ni Obispo Pablo David sa mga lumahok sa unang serye ng Ora Mismo Regional  Summit for the Academe and the Environment na isinagawa sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.

    Para sa mga pulitikong ang ugali at asal ay maihahalintulad sa isang prinsipe at diyos-diyosan, ang mga inilalathala ng Punto ay isang pagbatikos sa kanilang walang humpay na pagsisikap na maitama ang programa sa pagsisinop ng basura.

    Ngunit para sa Punto at iba pang pahayagang naninindigan na sila ay bahagi ng ika-apat na estado na nagmamasid sa gawain ng pamahalaan, iyon ay isang pagtawag pansin upang higit nilang mabigyang kahulugan ang kanilang sinumpaang tungkulin.

    Para sa ilang pulitiko, negatibo ang mensaheng hatid ng Punto dahil ito ay hindi umaayon at sa halip ay humahamon sa kanilang pananaw na palagiang nakatukoy sa pagpapaganda ng kanilang imahe sa taumbayan.

    Ang pananaw na ito ay naglulugso sa tunay na katauhan at kaisipan ng pulitiko na sila lamang ang tama at dapat pakinggan.

    Nagpapakita rin ito ng kanilang kapos na pagkakaunawa sa mga pahayagan at mga mamamahayag. 

    Hindi kami ang propagandista ninyo. Kami ay mamamahayag ng bayan, may pananagutan sa bayan sa pamamagitan ng responsableng pamamahayag.

    Ang paninindigan ng Punto ay hindi nalingid sa Philippine Press Institiute (PPI) kaya’t sa unang taon ng pagsali nito sa PPI ay agad ito napabilang sa mga finalist sa taunang Community Press Awards (CPA) sa daily category.

    Sa sumunod na taon, sinamang palad na hindi mapabilang ang Punto sa PPI-CPA dahil sa simpleng kadahilanan. Ang dating paglalathala nito ng araw-araw mula lunes hanggang Biyernes ay naging tatlong beses na lamang—Martes, Miyerkoles at Biyernes. Bahagi ito ng pagtugon sa tinatawag na “market forces” sa industriya.

    Dahil sa kalagayang ito, nawala sa daily category ng PPI-CPA ang Punto, ay hindi rin pasok sa weekly category; samantalang hindi pa nagbubukas ng kategorya ang PPI para sa mga pahayagang tri-weekly.

    Sabi nga mga mga mamamahayag ng mga kasaping pahayagan ng PPI, kung mayroong tri-weekly category ang PPI, hall of fame agad ang Punto dahil nag-iisa sa kategoryang iyon.

    Maaaring biro ang nasabing pahayag, ngunit ito ay isa ring pagkilala sa uri ng pamamahayag ng Punto Central Luzon—walang takot, patas, balanse, may pananagutan sa mamamayan at higit sa lahat may takot sa Diyos.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here