Produksyon ng plastic ipagbabawal sa Bulacan, mga negosyante umalma

    162
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Ikinabahala ng ilang negosyanteng gumagawa ng plastic ang panukalang pagbabawal sa produksyon at paggamit ng nasabing produkto sa Bulacan.

    Sinabi ng mga negosyante na maraming Bulakenyo ang mawawalan ng trabaho kapag nagsara ang kanilang pabrika; ngunit hindi natigatig ng mga opisyal na nagsabing walang kumpromiso sa pagpapatupad ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

    Ayon kay Bokal Felix Ople, limang negosyante sa lalawigan at Lungsod ng Valenzuela ang nagbabala na mawawalan ng trabaho ang halos 1,000 Bulakenyo kapag tuluyang ipinatupad ng kapitolyo ang panukalang pagbabawal sa paggamit at produksyon ng plastik.

    Isa sa mga nasabing negosyante ay nakabase sa bayan ng Sta. Maria at nagsabing hindi bababa sa 500 ang kanyang kawaning Bulakenyo.

    Ngunit ayon kay Ople, ang pagbabawal sa produksyon at paggamit ng plastic ay matagal ng dapat ipinatupad.
    “The law must not be held hostage by claims that workers will be affected,” ani Ople, ang tagapangulo ng Lupon Kapaligiran at Kalikasan sa Sangguniang Panlalawigan.

    Iginiit niya na kung yuyukod ang pamahalaan sa babala ng mga negosyante, mas mabuti pang huwag ipatupad ng batas.

    “There should be no compromise in the implementation of the law, otherwise, we don’t implement it at all,” ani Ople, isa sa mga anak ni dating Senador Blas F. Ople.

    Una rito, nagpahatid ng isang liham si Gob. Wilhelmino Alvarado sa Sangguniang Panglalawigan na humihiling ng pagpapatibay ng isang resolusyon para sa pagbabawal ng paggamit ng plastic bag sa mga palengke sa lalawigan.

    Ayon kay Alvarado, ang paggamit ng plastic at pagtatapon nito sa mga ilog at daang tubig ay nakakasira sa kalikasan.

    Inayunan din ito ni Mayor Oscar Rodriguez ng Lungsod ng San Fernando sa Pampanga na siya ring tagapangulo ng Regional Development Council (RDC) sa Gitnang Luzon.

    Ayon kay Rodriguez sinisimulan na nila ang pagbabawal sa paggamit ng plastic sa kanilang Lungsod.

    Para naman kay Abogado Rustico De Belen, hepe ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) papayagan lamang ang paggamit ng plastic kung ito ay mabubulok din ng mabilisan katulad ng isinasaad ng ilang pag-aaral.

    Subalit ang teknolohiya para sa nabubulok na plastic ay hindi napapalawak, kaya’t ang kasalukuyang plastic na ginagamit ngayon ay matagal pa ring mabulok.

    “Studies showed that it takes decades for plastics to breakdown, that’s why it is a hazard to the environment,” ani De Belen said.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here