PNoy nakalimutan ang usaping pangkapayapaan

    613
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Para sa mga pari at kasapi ng mga militanteng grupo, maraming nakaligtaan si Benigno “Noynoy” Aquino III sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

    Kabilang dito ay ang kawalan ng malinaw na plano hinggil sa pagkakamit ng matagalang kapayapaan, pangangalaga sa kalikasan, karapatang pantao, reporma sa lupa at edukasyon.

    Sa kabila ng mainit na pagtanggap ng Kongreso at Senado sa mensahe ni Aquino, umani naman siya ng pagbatikos.

    “Wala akong narinig kung ano ang plano niya para sa peace process in Mindanao,” ani Father Jonathan Domingo sa isang panayam ilang oras matapos ang SONA ng Pangulo.

    Si Domingo ay nagmula sa lungsod na ito ngunit kasalukuyang nakabase sa sa Lungsod ng Cotabato kung saan siya ang nagsisilbing tagapaglathala ng Mindanao Cross, isang lingguhang pahayagang itinatag ng mga paring katoliko noong 1948.

    Ayon sa pari, ang usaping pangkapayapaan ay lubhang mahalaga para sa mga taga-Mindanao.

    Ngunit hindi ito nabanggit ng Pangulo, sa halip ang kanyang binanggit ay ang  pansamantalang pagkansela sa espesyal na halalan sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).

    Ayon kay Domingo, kung nais ng Pangulo ang kaunlaran sa Mindanao, mas nararapat unahing tugunan ang usaping pangkapayapaan.

    Iginiit pa niya na bilang isang misyonero, sinimulan nila ang adbokasiya sa kapayapaan sa Mindanao noong dekada 70 para sa higit na pagkakaunawaan ng mga Kristiyano at Muslim.

    Inayunan naman ito ni Roman Polintan, ang tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Gitnang Luzon. Bukod dito, binatikos din ni Polintan ang SONA ng Pangulo.

    “Walang pagbabago, walang kalatoy-latoy, walang laman, walang kaibahan sa nakaraang rehimen,” aniya.

    Binatikos din ni Polintan ang programang Oplan Bantay Laya ng gobyerno na ngayong ay tinatawag ng Oplan Bayanihan.

    Binanggit din niya na wala ring malinaw na mensahe ang Pangulo sa edukasyon, reporma sa lupa at pagtataguyod ng karapatang pantao.

    Sa panig naman ng mga environmentalist na tulad nina Mark Dia ng Greenpeace at Martin Francisco of Sierra Madre Environmental Council (SMEC), wala ring malinaw na plano ang Pangulo sa pangangalaga sa kalikasan.

    Ayon kay Dia, nasayang ang pagkakataon ng Pangulo dahil  hindi niya nailahad sa kanyang SONA ang plano para sa kalikasan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here