Planta sa paglilinis ng isda, talaba itatayo sa Hagonoy

    687
    0
    SHARE

    HAGONOY, Bulacan—Magtatayo ng fish processing at oyster depuration plant ang Department of Science and Technology (DOST) sa bayang ito.

    Kaugnay nito, pinasinayaan ang Sentrong Pamilihan ng Kooperatiba (SPK) noong nakaraang linggo kung saan ay mabibili ang mga produktong likha ng ibat-ibang kooperatiba sa bayang ito.

    Ang kailangan na lamang namin ay ang resolusyon ng Sangguniang Bayan para maging basehan ng pagtatayo ng fish processing plant,” ani Angie Parungao, ang panglalawigang direktor ng DOST sa Bulacan.

    Inihayag ni Parungao na aabot sa P1-milyon ang halaga ng mga kagamitang ilalagay ng DOST sa lumang pagawaan ng yelo sa Barangay San Pedro ng bayang ito.

    Ang nasabing pagawaan ng yelo ay itinayo noong unang bahagi ng dekada 90 ngunit hindi nagamit.

    Ayon kay Parungao, ang nasabing fish processing plant ay makakatulong sa mga mangigisda at namamalaisdaan.

    Ito ay dahil sa ang mga isdang ani ay maaring gawing sardinas o kaya gawing tinapa at tuyo.

    “Dito na sa Hagonoy ang packaging ng tinapa at sardinas, makakalikha pa iyan ng dagdag na trabaho at pagkakakitaan sa mga residente,” aniya.

    Bukod sa fish processing plant, sinabi ni Parungao na pinag-aaralan na rin ang plano sa pagtatayo ng oyster depuration plant sa bayang ito na itinuturing na trading center ng mga isda at huling dagat ng lalawigan sa nagdaang 30 taon.

    Ang nasabing proyekto ay magsisilbing sentro ng paglilinis sa mga aning talaba, tahong at iba pang kauring aning dagat upang matiyak itong malinis at ligtas itong kainin.

    Ipinaliwanag ni Parungao na ang depuration process ay ang paglilinis at pagpapasuka sa mga talaba at tahong.

    Ito ay sa pamamagitan ng pagbababad sa talaba at tahong sa dumadaloy na brackish water o ang tubig na kukunin sa kailugan ng Hagonoy malapit sa baybayin ng look ng Maynila.

    “Malaki ang posibilidad na maging red tide toxins sa mga tahong at talaba,” aniya.

    Binigyang diin pa niya na kung sakaling magkaroon ng red tide sa Manila Bay, masusuri ang mga aning tahong at talaba sa nasabing planta.

    “At least, kapag may red tide, magkakaroon tayo ng scientific basis sa madaling panahon, kung meron o wala,” aniya.

    Kaugnay nito, pinasinayaan na ang Sentrong Pamilihan ng Kooperatiba sa bayang ito kung saan ang mga produkto ng kooperatiba ay ibinebenta at mabibili.

    Ang SPK ay matatagpuan sa dating grandstand ng Hagonoy na ngayon ay nagsisilbing pamilihang bayan matapos masunog ang palengke noong nakaraang Agosto.

    Kabilang sa mga produktong likha ng mga kooperatiba na ibinebenta sa SPK ay ang mga tuyo, tinapa, damit, bag, suka, patis, at maging mga capiz shell products.

    Ayon kay Rico Guevarra, tagapamahala ng SPK, ang mga nasabing produkto ay madadagdagan pa dahil sa patuloy ang mga kasapi ng may 20 kooperatiba sa bayang ito sa paglikha ng kanilang sariling produkto.

    Para naman kay Jun Vicente ng Provincial Cooperative and Economic Development Office (PCEDO), ang paglikha ng mga bagong produkto ng mga kasapi ng mga kooperatiba ay isang palatandaan ng patuloy na pagsisikap ng mga ito at ng kooperatiba na higit mapaunlad ang serbisyo.

    Sinabi ni Vicente na ang karaniwang serbisyo ng mga kooperatiba sa lalawigan ay magpautang. “Our coops are maturing, gusto nila ang magproduce ng mga produktong pangkabuhayan ngayon,” aniya.

    Inayunan naman ito ni Jovito Saguinsin, ang hepe ng PCEDO.

    Binigyang diin niya na higit na uunlad ang mga kooperatiba at mga kasapi nito kung lilikha ng mga produkto at magiging bahagi rin ng industriya ng pagnenegosyo sa lalawigan.

    Una rito sinabi ni Saguinsin na isinisulong ng PCEDO ang palatuntunang One coop, one product (OCOP).

    Ito ay nakakatulad ng programa ng Department of Trade and Industry na One Town, One Product (OTOP). 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here