Pick-up nahulog sa kanal, 6 sugatan

    454
    0
    SHARE
    SAMAL, Bataan-  Pitong sakay ng isang bagong  Ford Ranger pick-up ang tila himalang hindi grabeng nasaktan matapos bumangga ang sasakyan sa poste ng kuryente at mahulog sa malalim na kanal sa gilid ng MacArthur Highway sa Lalawigan, Samal, Bataan Martes ng gabi.

    Ayon kay Insp. Emelito dela Cruz, Samal police chief, inamin ng driver na si Arnold Garcia, 42 ng Pantalan Bago, Orani, Bataan, na medyo nakatulog siya sa pagmamaneho matapos dumalaw silang mag-aanak sa isang anak na kapapanganak sa isang ospital sa Balanga City.

    Lima sa mga kaanak ni Garcia ang nasugatan at dinala sa St. Joseph Hospital sa Balanga City.

    Wasak na wasak ang unahang bahagi ng kulay silver gray na pick-up at nakasubsob sa malalim na kanal sa ilalim ng  waiting shed na gawa sa semento.

    Nangyari ang sakuna bandang alas-7:30 ng gabi malapit sa pasukan ng Richtown Subdivision sa Barangay Lalawigan kung saan may nakaparadang mga pampasaherong tricycle.

    Sinabi ng tatlong driver ng tricycle na agad nilang tinulungan ang sakay ng pick-up at isinugod sa kalapit na Orani District Hospital. “May duguan at hilo pa at sumisigaw na humihingi ng tulong kaya sa pamamagitan ng aming mga tricycle ay agad namin silang dinala sa ospital,” sabi ng mga driver na sina Raul San Diego, Jorel Velez at Jaja Agarao.

    Napag-alaman sa isang manggagamot sa Orani District Hospital na ligtas na sa kapahamakan ang mga sakay ng pick-up. Apat, aniya,  ang lumabas na sa ospital samantalang ang tatlo pa ay nagpalipat sa St. Joseph Hospital, isang pribadong ospital sa Balanga City, upang tiyakin kung may ibang  pinsala sa katawan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here