Kualipikasyon, depende dapat sa posisyong habol

    434
    0
    SHARE
    NA LUBHANG mababa ang kualipikasyon
    Na nasasaad sa Omnibus Code ngayon,
    Kaya naman kahit na sinong amuyong
    Ay ‘qualified’ kahit sa anong posisyon.

    Kung kaya pati na posibleng may topak
    Ay maluwag na makapaghain agad
    Ng C.O.C. nila bunsod nitong batas
    Na basta’t marunong magbasa’t sumulat

    Ay ‘qualified’ na at puede nang humabol
    Sa kahit na anong ‘elective position;’
    Kung kaya dapat na po natin sigurong
    Amyendahan o baguhin ang parteng ‘yon.

    Sa kasalukuyang batas sa eleksyon
    Na mababa na nga at hindi naa-ayon
    Sa makabuluhan at napapanahong
    Isyu na di dapat hayaang ganoon.

    Na animo’y larong pambata na lamang
    Sa ibang tao r’yan ang kahalagaan
    Ng eleksyon natin sa kasalukuyan,
    Kaya marapat na nating masusugan.

    Tama po bang basta’t marunong magsulat
    At magkapagbasa’y tanggap na kaagad,
    Kahit Presidente pa ng Pilipinas
    Ang ninanais na takbuhin at sukat?

    Sana naman, depende sa kakayahan
    O ika nga’y antas ng pinag-aralan;
    Kung ang natapos ay elementarya lang,
    Di dapat lalampas sa Kagawad lamang.

    Kung nakapagtapos man lang ng high school
    Ay puede na kahit ‘Board Member’ o Mayor;
    Pero Congressman o para Gobernador,
    Kung di man ‘bar passers, college graduate’ ngayon.

    At di tulad nitong mga nakaraan,
    Na kahit ang iba ay nag-‘high school’lang
    At wala naman din yatang katangian
    Kundi sikat lang at mapera ang ilan

    Ay naging Governor at nag-Senador pa;
    Kaya hayan pati si Pacman gumaya;
    At kahit ‘boxing’ lang ang ‘expertise’ niya
    Ay nakisawsaw na rin sa pulitika.

    Sana naman sa posisyong mas mataas,
    Gaya ng sa Pangulo ng Pilipinas,
    Ay huag naman nating isali at sukat
    Itong ang turnilyo ay tila maluwag;

    Na kagaya nitong nagpamalas mandin
    Ng inaakalang pambihirang galing;
    Anong silbi n’yan kung boses lang ng kambing
    At tilaok ng manok ang kayang gawin? .

    Mabuting pangulo at hindi panggulo
    Ang dapat maupo sa ating Palasyo,
    O sa alin pa mang sangay ng gobyerno;
    At di sirkero o kaya komikero.

    Para magkaroon naman ng dignidad
    O matatawag nating kredibilidad
    Ang ating eleksyon sa lahat ng antas,
    Sa kapakanan ng bansang Pilipinas!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here