Home Headlines Pasasalamat sa Jaen: 4 na proyekto binuksan 

Pasasalamat sa Jaen: 4 na proyekto binuksan 

346
0
SHARE
Ilang senior citizens ang kabilang sa unang tumanggap ng libreng gamot mula sa Botika ng Bayan ng Jaen, Nueva Ecija. Kuha ni Armand M. Galang

JAEN, Nueva Ecija — Apat na proyekto na naglalapit ng serbisyo ng gobyerno sa taumbayan ang pinasinayaan dito kaalinsabay ng pasasalamat para sa unang isang taon sa panunungkulan ng mga kasalakuyang opisyal ng bayan nitong July 1. 

Magkakasunod na binuksan sa bakuran ng pamahalaang bayan, sa pangunguna ni Mayor Atty. Sylvester Austria, kasama ang miyembro ng sangguniang bayan at mga opisyal ng pamahalaan, ang Bagong Botika ng Bayan, Batch Request Entry Query System (BREQS) at Social Services Building.

Nakiisa rin sa programa ang mga opisyal ng ilang ahensiya ng pamahalaang nasyunal katulad ng Department of Health, Philippine Health Insurance Corp., Philippine Statistics Authority, Department of Education, Department of Social Welfare and Development, gayundin ang Provincial Health Office ng Nueva Ecija Provincial Government. 

Kinahapunan ay opisyal namang binuksan ang JuanBayaniHub, magsisilbing satellite office ng Pamahalaang Bayan ng Jaen sa ikalawang palapag ng NEPO Mall.

Bilang PhilHealth-accredited, ang Botika ng Bayan ay magkakaloob ng gamot na nagkakahalaga ng P20,000 sa bawat pasyente sa bawat taon, ayon kay Austria.

Ang mga hindi pa miyembro ng PhilHealth ay madali aniyang makapagpaparehistro sa naturang government health insurance system sa kanilang rural health unit upang makinabang sa libreng gamot.

Ayon kay Angelito Creencia, PhilHealth-Gapan head, ang munisipalidad ng Jaen ang may kauna-unahang local government unit-based “PhilHealth Gamot Provider” sa iallim ng Yakap Program sa Nueva Ecija. Ang limang iba pa ay nasa mga ospital, ayon sa kanya.

Samantala, binigyang-diin ni Dr. Corazon Flores, DOH-Central Luzon Director, ang kahalagahan ng libreng gamot sa kabila ng libreng konsulta sa pasilidad ng gobyerno. Karaniwan kasi, aniya, na kahit libre ang check-up ay hindi naman makabili ng niresetang gamot ang pasyente.

Samantala ang BREQS, ay nagbibigay-pagkakataon naman sa mga residente na maiwasan ang sobrang gastos sa pagkuha ng dokumentong sibil gaya ng birth, marriage, at maging certificates of no marriage, ani Austria.

“Dito na kayo magre-request, kami na ho ang magpo-proseso sa PSA para iwas sa pila, appointment, at iwas gastos at pamasahe,” sabi ng alkalde, dahil ang kanyang mga kababayan ay bumibiyahe pa patungong Cabanatuan City para sa nasabing mga dokumento.

Wala aniyang ipapatong na anumang karagdagang bayarin ang LGU bukod sa sadyang sinisingil ng PSA.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here