KAKATWA na’t naging malaking biro na
Itong R.A. No. 7941 (ba?)
O party-list system na ayon sa iba,
Ito baga’y para kanino talaga?
Kasi nga ang pagka-alam ng marami
Yan ay para sa ‘marginalized society,’
Na magiging Kinatawan nila bale
Sa Kongreso, pero ano ang nangyari?
Imbes itong mga nasa ‘labor sector,
Elderly, handicapped, veterans, urban poor,
At iba pang sabi’y “indigenous people”
Itong umano ay dapat magkaroon
Ng representasyon sa ating Kamara,
Ay kung bakit daw ang Kinatawan nila
Ay di naman galing sa hanay kumbaga
Ng kung sector na kabilang sila?
Gaya halimbawa ng isang Arroyo
Na batid po nating isang milyonaryo,
Dama nga kaya ni Sir sa puso nito
Ang pulso ng ‘under privilege’ na tao?
Na lubhang malayo sa katayuhan niya,
Kaya papaanong ang katulad nila,
Na nakahiga sa talaksan ng pera
Ay magawang sa Congress irepresenta
Ang magsasaka at mga mangingisda
‘Overseas workers’ at tulad halimbawa
Ng magta- ‘tricycle’ at Sikyu din yata
(Na aywan kung sadyang ya’y represented nga).
Ang dose lang dapat, bago pa dumami
Sa kung anong sector pang gustong isali,
Hindi kaya higit na makabubuti,
Ibasura ang ‘party-list’ na nasabi?
Pagkat gaya nga po ng ating tinuran,
Yan ay wala naman ding kinakatawan
Kundi ang sarili nilang kapakanan,
Base sa malinaw na pagkalarawan.
Ng kung anong sector na kanilang hawak
Na di naman ‘truly represented for what
The under privilege or said marginalized
Sectors may had to get for and in their behalf’
At sapagkat dagdag pasanin nga lamang
Sa gobyerno ang party-list na naturan,
Sa palagay namin wala ng dahilan
Para manatiling ya’y pagka-gastusan
Ng pamahalaan, ngayong ang lahat na
Ng data at malinaw na nakikita,
Ay di para sa ‘marginalized’ talaga
Itong pagka-likha ng ganyang systema.
Dahilan na rin sa pawang masalapi
At maimpluensya itong naghahari,
Sa ‘party-list system,’ at di itong uri
Na siyang marapat ‘represented’ lagi.
At bigyan kumbaga ng pagkakataon
Upang ang grupo n’yan o organisasyon
Ang siyang sa Kongreso dapat magkaroon
Ng sariling boses bilang mga Solon;
At sila itong malayang magpahayag
Sa kung anong nais nilang isabatas;
Gaya rin ng ating ‘lawmakers’ at lahat
Ng naninilbihang may puso’t dignidad!