DIMASALANG. Laong Laan.
May Pag-asa. Agapito Bagumbayan.
Plaridel. Piping Dilat.
Pingkian. Dimasilaw.
Taga-ilog.
Diego Laura.
Kalipulako. Tikbalang.
Buan.
Marcial Bonifacio.
Sa likod ng mga sagisag-panulat o panghimagsikang-bansag, ang mga dakila sa kasaysayan ng bansang Pilipinas: Jose Rizal. Andres Bonifacio. Marcelo H. Del Pilar. Emilio Jacinto. Antonio Luna. Graciano Lopez Jaena. Mariano Ponce. Juan Luna. Benigno “Ninoy” Aquino.
Mga taong totoo.
Inialay ang buhay para sa bayan.
Mga bayaning tunay.
Iginagalang. Ipinagbubunyi. Pinaparangalan.
Ang mahila man lamang ang kanilang takip-pangalan sa usapin ng confidential funds ng pangalawang pangulo at isawsaw sa mga pangalang umusbong lamang mula sa likwad na diwang sumasalipawpaw – Antonio Pagong. Timon Andrew Pusa. Don Piang. May Pamana. Shane Ngitngit. Xuniso Belat. Mary Grace Piattos. Jay Kamote. Miggy Mango. Renan Piatos – ay hindi lamang paglalapastangan sa kanilang katauhan, kundi pang-aalipusta sa kanilang kadakilaan at pagbabalahura sa kanilang kabayanihan.
Hindi ito gawain ng isang mangmang. Ito ay galawan ng isang hunghang.
Na ito ay magkaroon pa ng imbing kaganapan sa papalapit na Araw ng mga Bayani, ay isang kataksilan sa bayan at walang kapatawarang panghahalay sa kasaysayan.



