LUNGSOD NG ANGELES —Nagsampa na ng kasong reckless imprudence resulting in homicide ang pamilya ng isa sa namatay sa gumuhong gusali sa Barangay Balibago.
Batay sa dokumento, ang kaso ay isinampa ni Maricel Loto Sapungay, residente ng Prenza 1, Marilao, Bulacan noong ika-28 ng Mayo, 2026 sa Office of the City Prosecutor sa Angeles. SIya ay ina ng ikalawang biktimang narecober na si Mark Lawrence Sapungay.
Ang sinampahan ng kaso ay ang may-ari ng gusali na si Ernest Jackson Lim, at si Johnson Cu, ang may-ari naman ng Golden Years Construction and Steelworks Corp., ang site engineer na si Engr. Arlou Nondong Ligsangan ay ilan pang John at Jane Does.
Ayon kay Atty. Darwin Reyes, special legal adviser at spokesman ng legal matters ng Balibago Collapse Investigation, ang CIDG sa Angeles City ang umasiste kina Sapungay sa pagsasampa ng kaso.
Ayon kay Reyes, posibleng may mga magsampa pa ng kaso sa mga susunod na araw kapag natukoy na ang pagkakakilanlan ng iba pang biktima na nakuha mula sa guho.
Ani Reyes, gumugulong na rin ang imbestigasyon ng itinatag na fact-finding committee ng Angeles LGU na may 60-araw para makumpleto ang imbestigasyon.
Ang kalalabasan aniya ng rekomendasyon ng fact-finding committee ay maaring magamit bilang supplement sa naisampa ng kaso sa piskalya o sa mga susunod na kasong isasampa pa.
Samantala, ayon kay Atty. Nicholai Manguerra, abugado ng Golden Years Construction and Steel Works Corp., hindi pa sila makakapag komento sa nasabing reklamong isinampa ni Sapungay at hihintayin muna nila na mapadalhan sila ng kopya nito.
Gayunpaman, ang concentration anila ng Golden Years sa ngayon ay ang magbigay ng tulong sa mga nabiktima gaya ng burial, funeral, at iba pang financial assistance.
Hindi pa aniya nila pinag-uusapan sa ngayon ang mga legal na usapin at hihintayin din muna nila ang resulta ng imbestigasyon ng fact-finding committee na binuo ng Angeles City LGU.



