Home Headlines Trahedya sa Angeles: MORAL NA PANANAGUTAN – SAPAT BA?

Trahedya sa Angeles: MORAL NA PANANAGUTAN – SAPAT BA?

171
0
SHARE

MAY MGA usaping ang batas at hukuman lamang ang may kapangyarihang magpasya. Ngunit may mga trahedyang direktang humahatol sa ating konsensya, moralidad, at pananagutan sa buhay ng ating kapwa.

Habang hinihintay natin ang hatol ng mga opisyal na imbestigasyon, hindi matatahimik at hindi mapipigilan ang isang nag-aalab na tanong ng mga Angeleno at publiko: SAPAT BA?

-Sapat ba ang pag-iingat, pagmo-monitor, at pagpapatupad ng mga regulasyon ng mga taong may pananagutan upang maprotektahan ang buhay ng mga manggagawang nagtayo ng gusaling ito?

-Sapat ba o nagkaroon ba ng pagkukulang sa pagsusuri, inspeksyon, at pagsisiyasat sa pundasyon, kalidad ng konstruksyon, at pangangasiwa na dapat sana’y nagsilbing pananggalang laban sa ganitong trahedya?

Kapag ang isang proyekto ay nabigyan ng mga espesyal na pag-apruba o pribilehiyong “exemption,” hindi ba’t dapat ay mas doble, mas mahigpit, at mas walang-kompromiso ang pagbabantay sa kaligtasan?

Ang bawat lagda sa dokumento ay hindi lamang tinta sa papel—ito ay may katumbas na pananagutan sa buhay ng tao.

Ngunit ang mga tanong na ito ay hindi lamang para sa mga opisyal ng pamahalaan. Kung mapatutunayang may pagkukulang, ang may-ari ng proyekto at ang contractor nito ay dapat ding magtanong sa kanilang mga sarili:

-Sapat ba ang pagtiyak nila na ligtas ang disenyo, materyales, pamamaraan ng konstruksyon, at aktuwal na kalagayan ng gusali habang ito ay itinatayo?

-Mayroon bang mga babala, obserbasyon, o panganib na hindi nabigyan ng agarang pansin?

-Mayroon bang mga desisyong ginawa upang makatipid, mapabilis ang trabaho, o maituloy ang proyekto na maaaring nakaapekto sa kaligtasan?

At kung may mga pagkukulang ngang natuklasan, may sapat bang lakas ng loob na akuin ang pananagutan sa halip na ituro agad ang sisi sa iba?

Ang moral na katanungan ay pareho para sa lahat ng may naging papel sa proyektong ito—mula sa mga nag-apruba, nag-inspeksyon, at nag-monitor, hanggang sa mga nagmamay-ari, nagdisenyo, namahala, at nagtayo nito:

“MAYROON BA AKONG GINAWA, PINIRMAHAN, PINAYAGAN, PINABAYAAN, O HINDI PINANSIN NA MAARING NAKAPAGAMBAG SA PAGGUHO NG GUSALING ITO NA NAGRESULTA SA PAGKAMATAY NG DALAWAMPU’T ISANG TAO?”

Ngayon, dalawampu’t isang buhay (21) na ang tuluyang naging kapalit. Dalawampu’t isang tao na hindi na kailanman makakauwi sa kanilang mga pamilya: 18 manggagawa na nagbuhos ng pawis at lakas upang maitaguyod ang kanilang mga mahal sa buhay; 2 vendor na naghahanap lamang ng marangal na kabuhayan sa paligid ng istruktura; 1 inosenteng sanggol na bago pa man lubos na makakita sa mundo ay pinagkaitan na ng kinabukasan.

Ito ang pinakamabigat at pinakamasakit na bahagi ng trahedya: hindi lamang ang mga nasa loob ng construction site ang nasawi. Maging ang mga ordinaryong at inosenteng sibilyan na wala namang direktang kinalaman sa proyekto ay nadamay at naging biktima.

Dalawampu’t isang pamilya ang naiwan ngayon na may dalang habang-buhay na dalamhati, pangungulila, at mga tanong na naghahanap ng katarungan.

Hindi pa natin tiyak kung sino ang may legal na pananagutan.

Iyan ay dapat ipaubaya sa isang patas, independiyente, at masusing imbestigasyon.

NGUNIT SA USAPIN NG MORAL NA PANANAGUTAN, WALANG SINUMANG MAY KINALAMAN ANG DAPAT UMIWAS SA PAGSUSURI NG SARILING KONSYENSYA.

Sapagkat ang tunay na tanong ay hindi lamang kung sino ang maaaring managot sa ilalim ng batas. Ang mas mabigat na tanong ay kung may mga taong, sa kabila ng kapangyarihan, responsibilidad, o kontrol na kanilang taglay, ay nagbulag-bulagan o nagpabaya na siyang nagbukas ng landas tungo sa trahedyang ito.

Ang paghahanap ng sagot ay hindi usapin ng pulitika o maruming paninisi.

ITO AY PAGPAPAKATAO. ITO AY PAGPAPAHALAGA SA BUHAY NG TAO.

Ito ay para sa dalawampu’t isang buhay na nawala, para sa kanilang mga pamilyang nagluluksa, at para sa bawat Angeleno at mamamayang nagnanais na malaman ang buong katotohanan.

Kung mayroon mang dapat manaig, ito ay hindi ang laro ng pagtuturuan o ang kultura ng pagtatakipan, kundi ang buong katotohanan, tunay na pananagutan, at ang paninindigang hindi na muling mangyari ang ganitong trahedya sa sinumang manggagawa, vendor, bata, o pamilyang Pilipino.

Sapagkat sa huli, maaaring ang hukuman ng tao ang magpasya kung sino ang may legal na pananagutan.

Ngunit ang konsensya ay may sarili ring hukuman—isang hukumang hindi madadaan sa teknikalidad, kapangyarihan, o impluwensya.

Ang bawat isa na may naging papel sa proyektong ito ay dapat ding magsuri ng sariling konsensya,

At gaya ng paalala ng Banal na Kasulatan:

“KAYA NGA, ANG NAKAKAALAM NG MABUTI NA DAPAT NIYANG GAWIN NGUNIT HINDI ITO GINAGAWA, AY NAGKAKASALA” -Santiago 4:17

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here