Pamanang yaman sa mga sementeryo dapat pangalagaan

    426
    0
    SHARE

    Mistulang mga kapilya ang mga musoleong ito na matatagpuan sa Sto. Cristo Catholic Cemetery sa Baliwag, Bulacan.  Kuha ni Dino Balabo

    BALIWAG, Bulacan—Kinatatakutan ng marami ang mga lumang sementeryo kaya’t umiiwas na magpagabi doon lalo na kung nag-iisa.

    Kapag undas o Araw ng mga Kaluluwa at mga yumao na ginugunita tuwing una at ikalawang araw ng Nobyembre, animo’y parke o piyesta sa mga sementeryo dahil sa dami ng mga tao na dumadalaw sa puntod ng yumaong mahal sa buhay.

    Ayon sa mga dalubhasa, ang mga nasabing araw ay dalawa lamang sa pinakamahahalagang araw sa buhay ng pamilyang Pilipino dahil iyon ang mga araw na nagsililbing daan upang sila’y muling magkita-kita.

    “Reunion” ang wikang karaniwang ginagamit ng mga dalubhasa sa paglalarawan ng pagtitipon, at ang lugar ng nasabing okasyon ay sementeryo na itinuturing ding “ikalawang tahanan,” ayon kay Jaime Corpuz ng Heritage Conservation Society (HCS) Bulacan.

    Ang pananaw na ikalawang tahanan ang sementeryo ay higit na nagkakulay ng di sinasadyang makita ng mamamahayag na ito ang mga musoleo sa loob ng Sto. Cristo Catholic Cemetery sa bayang ito.

    Karaniwan sa mga musoleo sa nasabing sementeryo ay kongkreto at ibat-iba ang anyo. May anyong bahay na may dalawa hanggang tatlong palapag, may parang kapilya o maliit na simbahan at may krus pa sa tuktok, mayroon din parang waiting shed.

    Ang ibang puntod naman ay may mga pigura ng ibat-ibang iskultura, bukod sa ibat-iba ang kanilang mga kulay.

    Bilang pangulo ng HCS-Bulacan, sinabi ni Corpuz na dapat pangalagaan ang mga pampublikong sementryo sa lalawigan, maging ang mga pag-aari ng simbahan.

    Ito ay dahil sa bukod sa itinuturing na ikalawang tahanan ang mga sementeryo, ito rin ay himlayan ng mga dakilang mamamayan na naging bahagi ng kasaysayan, at ang mga disenyo ng musoleo at mga iskultura doon ay kayamanang pagkalinangan.

    “Those are historical and cultural time pieces na dapat ingatan at alagaan,” ani Corpuz. Iginiit pa niya na ang mga sementeryo ay tahanan ng mahahalagang koleksyong pangkasaysayan na naghahatid ng kaalaman sa nakaraang panahon.

    “Hindi lang nakikita ng ating mga lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng mga sementryo,” ani Corpus at idinagdag na ang mga ito ay maaaring magsilbing destinasyon ng mga turista.

    Ipinayo pa niya na dapat bumuo ng mga programa pang turismo at pangkalinangan ang mga pamahalaang lokal tulad ng “Lakbay-Kaluluwa” kung saan ay bahagi  ng pag-aaral sa koleksyong pangkalinangan sa mga sementeryo.

    Inihalimbawa niya ang Sto. Cristo Catholic Cemetery kung saan nakahimplay ang puntod ng bayaning si Mariano Ponce, at ang sementeryo sa Meycauayan kung saan matatagapuan ang mga puntod ng mga obispo ng Simbahang Katoliko.

    Inayunan din ito ni Isagani Giron ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan na nagsabing ang pinakamatandang sementeryo sa lalawigan ay ang Malolos Catholic Cemetery kung saan nakalibing ang ilan sa mga kasapi ng 20 kababaihan ng Malolos na nagsulong na pagtatayo ng paaralan sa mga kababaihan noong panahon ng Kastila.

    “Dapat pagtulungan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), city government ng Malolos at Simbahang Katoliko ang pagsasaayos ng mga libingan tulad ng Malolos Catholic Cemetery,” ani Giron.

    Ipinaliwanag din ni Giron na ang pagtatayo ng sementeryo at paglilibing doon ng mga pumanaw ay nagmula sa kaugaliang Europeo, partikular na ng mga Kastila.

    Ayon kay Giron, ang kaugalian ng mga katutubong Pilipino maging ang mga Tsinong unang nanirahan sa bansa ay kakaiba sa kaugalian ng mga Kastila. Ito ay dahil ang mga katutubong Pilipino at mga unang Tsino ay sa gilid ng ilog naglilibing ng kanilang mahal sa buhay.

    Para naman kay Father Ruel Arcega, ang pag-alala at pagdalaw sa mga yumao ay isang pagkilala ng mga Pilipino sa katuruan ng simbahan hinggil sa muling pagkabuhay.

    “Ito ay pagkilala natin sa muling pagkabuhay, at sa huling araw ng paghuhukom, ang muling pagsasama ng kaluluwa at katawan katulad ng ipinakita ni Panginoong Hesus at Birheng Maria,” ani Arcega.

    Hinggil naman sa naglalakihan at mga engrandeng musoleo, sinabi ng pari na ito ay isang palatandaan ng agwat ng mayaman at mahirap.

    “Sa pangkulturang pananaw, ipinakikita ng iba ang agwat ng mahirap at mayaman dito sa lupa, pero sa Diyos, lahat ay pantay-pantay,” ani Arcega.

    Inayunan din ni Corpuz ang pananaw na ito dahil mapapansin sa mga sementeryo ang kalagayan ng mga puntod ng pamilyang may kaya at pamilyang mahihirap.

    Ang mga mahihirap ay maliliit at walang disenyo ng puntod, at kung minsan ay sa mga puntod na “apartment-type” inihihimlay ang mahal sa buhay na pumanaw.

    Batay naman sa pahayag ng isang sepulturero sa bayan ng Hagonoy, ang mga nakalibing sa puntod na apartment type ay karaniwang tumatagal ng limang taon.

    “Nasa limang taon ang kontrata diyan, pero pag hindi pa gagamitin yung nitso, pwede pang ma-extend,” ani ng sepulturero sa Sta. Ana Catholic Cemetery sa Hagonoy.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here