Masiglang bentahan ng prutas.
ABUCAY, Bataan — Medyo lumakas ang benta at hindi naman masiyadong mahal ngayong Biyernes ang mga firecrackers na karamihan ay pailaw na itinitinda sa ilalim ng mga improvised tent sa isang bahagi ng compound ng public market dito.
Dagsa na ang maraming mamimili at inaasahan ito bago dumating ang gabi ngayong Biyernes.
Maririnig ang mga tunog ng torotot na tulad ng mga pailaw ay mabili rin.
“Inaasahan naman namin na magiging mabenta ang mga firecrackers sa mismong bisperas ng Bagong Taon. Tumaas ng kaunti ang presyo pero parami na ang dumarating na mga tao,” sabi ni Mike Medina.
Nagsimula umano silang magtinda nito lamang December 29 samantalang ang iba ay noong December 27 pa.
“Medyo okay ngayon ang benta. Kung tumaas ang presyo, kaunti lang at kaya naman. Hindi kami nagtitinda ng bawal na paputok at panay mahina at pailaw lamang ang mga ito,” sabi ni Joseph Mercado.
Samantala, maraming tao ang lumabas at dumagsa sa public market sa Lungsod ng Balanga nitong Biyernes.
Punuan ng mga tao ang mga tindahan ng prutas sa labas ng palengke ganoon din ang fruits, vegetables, meat at fish sections sa loob mismo ng maaliwalas na palengke.
May maliliit na dalandan, ubas, mansanas, kahel, chicko, suha, kiat-kiat, pakwan, at iba pa na napagpipilian.
Abala ang lahat at waring nagmamadali kaya walang matanong sa presyo. Tipid ang mga sagot ng mga tindera at namimili pero medyo maganda naman daw ang benta.