Home Headlines Pagsulong ng mga imprastraktura sa Malolos, modelo ng pangarap ni Rizal para...

Pagsulong ng mga imprastraktura sa Malolos, modelo ng pangarap ni Rizal para sa Makabagong Pilipinas – FPGMA

164
0
SHARE
LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Inialay ng mga taga-Malolos sa karangalan ni Dr. Jose P. Rizal sa kanyang Ika-165 taong anibersaryo ng kapanganakan, ang mas pinatibay at pinaganda na flyover ng lungsod at ang katuparan ng pagkakaroon ng government center.
Ito ang nagsisilbing modelo ng katuparan ng pangarap ng bayani para sa isang makabagong Pilipinas.
 
Iyan ang tinuran ni Pampanga 2nd district representative Gloria Macapagal Arroyo nang pangunahan niya ang programang pang-alaala sa Casa Real.
 
Para sa dating pangulo, marapat lamang na magkaroon ng mga pangunahing imprastraktura ang Malolos dahil sa napakalaking ambag nito sa pambansang kasaysayan mula sa pagbubukas ng Kongreso ng Malolos, ratipikasyon ng Saligang Batas ng 1899 at pagpapasinaya sa Pilipinas bilang isang Republika.
 
Mauugat ang pagiging Republika ng Pilipinas bilang resulta ng Kalayaan na ipinaglaban ni Rizal kasama ang iba pang mga naging bayani ng bayan.
 
Kaya naman sa araw din ng kapanganakan ng bayani, pormal nang nilagakan ng marker ang Malolos Flyover na ipinatayo ng dating pangulo noong 2004 bilang kauna-unahang permanent steel flyover.
 
Itinayo ito ng Department of Public Works and Highways sa tulong ng Mabey and Johnson ng United Kingdom sa ilalim ng President’s Bridge Program.
 
Sinundan naman ito ng pormal na paglalagak din ng marker sa 10 ektaryang Malolos City Government Center na ipinagkaloob ng pamahalaang nasyonal sa bisa ng Presidential Proclamation 597 ni dating Pangulong Arroyo.
Dito matatagpuan ang bagong City Hall ng Malolos, Malolos Sports and Convention Center, Malolos City Police Station, National Commission of Senior Citizens, at ang Malolos Central Transport Terminal kung saan matatagpuan ang Department of Foreign Affairs Consular Office Malolos.
Matatandaan na sa nobelang El Filibusterismo ni Rizal, na kanyang isinulat habang siya’y bumibiyahe sa United Kingdom, France, Spain hanggang mailathala sa Belgium, nabanggit niya ang kanyang pangarap para sa isang makabagong Pilipinas kung saan may sistema ng transportasyon tulad ng daang-bakal, maayos na kalsada at mga institusyong pampamahalaan na kakalinga sa mga mamamayan.
 
Kaugnay nito, naitala sa maraming mga sulat ni Rizal ang kanyang paniniwala na kaya ng mga Pilipino na pamahalaan ang sarili at ang Pilipinas kaya’t hindi na kakailanganin ng kolonya.
Pinangunahan ni dating Pangulo at Kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Pampanga Gloria Macapagal Arroyo ang pag-alaala sa Ika-165 Taong Aniversaryo ng Kapanganakan ni Dr. Jose P. Rizal sa Casa Real De Malolos. Sentro ng kanyang mensahe ang pagbibigay diin sa bisyon ni Rizal para sa isang makabagong Pilipinas.(Shane F. Velasco/PIA 3)
 
Binigyang diin din ng dating pangulo na ang patuloy na pagmomodernisa ng mga imprastraktura gaya aniya ng North-South Commuter Railway na pinag-aambagang maitayo ng mga nakalipas na administrasyon, ay magbibigay ng katuparan sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maihatid ang bansa tungo sa isang Bagong Pilipinas.
 
Samantala, binuksan din ni Arroyo ang Salalayan, na isang eksibisyon para sa Ika-75 Taong Anibersaryo ng Republic Act 646 ng 1951 na Charter ng Order of the Knights of Rizal sa loob ng Casa Real.
Sa lugar na ito idinaos ang unang Rizal Day, na noo’y tinatawag na Araw ng Pagluluksa kay Rizal na idineklara ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo noong Disyembre 1898. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here