GUIGUINTO, Bulacan (PIA) — Lumaki pa ang halaga ng ekonomiya ng Bulacan sa P694.81 bilyon noong 2025 mula sa P675.68 bilyon noong 2024.
Bunsod ito ng patuloy na paglakas ng sektor ng manufacturing at konstruksiyon ng mga nasa pribadong sektor.
Sa ginanap na Provincial Products Account Dissemination Forum, ipinaliwanag ni Philippine Statistics Authority Bulacan Chief Statistical Specialist Elmor Barroquillo na bagama’t lumaki ang halaga ng ekonomiya, naging mabagal naman ang pag-usad dahil nakapagtala ng 2.8 porsyiento lamang ang Gross Domestic Product (GDP) ng Bulacan noong 2025 na higit na mas mababa sa 7.0 porsyiento noong 2024.

Itinuturing na dahilan nito ang matitinding kalamidad at ang pagkakahinto ng ilang proyektong imprastraktura dahil sa mga naging usapin sa mga flood control projects.
Ang GDP ay sukatan ng produktibidad ng isang ekonomiya kung saan nasusuri kung gaano karaming mga produkto ang nagawa at serbisyo ang mga naibigay sa loob ng isang taon.
Sa kabila nito, nananatili pa rin aniya na ang Bulacan ang pinakamalaking ekonomiya sa gitnang Luzon na nakakapag-ambag ng 27% sa kabuuang ekonomiya ng rehiyon.
Haligi’t saligan nito ang malakas na manufacturing na nasa 29.4%, construction na 16.6% na P111 bilyon at pinagsamang tala ng wholesale, retail trade at motor and motorcycle repairs sa 12.1% na may halagang P84 bilyon.
Katumbas naman ng P206 bilyon ang naiambag sa ekonomiya ng Bulacan ng sektor ng manufacturing.
Anuman ang sitwasyon, patuloy na gumagawa sa Bulacan ng mga produktong metal tulad ng baterya ng sasakyan, mga bakal na ginagamit sa konstruksiyon, electrical equipment at ang truck industry kung saan mayroon sa lalawigan na fabrication ng mga kaha.
Dahil masigla ang private construction, buhay na buhay ang mga plastics at chemicals tulad ng pintura, industrial packaging at cosmetics na karaniwang ginagawa sa Guiguinto, Santa Maria, Marilao at Meycauayan.
Lalo namang hindi nauubos ang pagluluwas ng mga Bulakenyo ng mga processed food at ang paggawa ng mga beverages drinks mula sa malalaking planta nito sa Meycauayan. Iba pa rito ang mga nasa sektor ng furnitures na ang ilan sa kanila ay matatampok pa sa Manila FAME o Furniture, Furnishings, Appliances, Moravians and Ethnics na bubuksan sa Oktubre 15, 2026 sa World Trade Center- Metro Manila sa Lungsod ng Pasay.
Bukod sa nasabing mga sektor, binigyang diin din ni Barroquillo na pangatlo ang Bulacan sa gitnang Luzon na may pinakamataas na produksiyon ng palay, gulay, mga karne at isda na nasa 7.4%
May mga pag-angat din sa sektor ng human health and social work activities na pumalo sa 17.3%, na bunsod ng paglawak ng coverage ng Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Law na ipinapatupad ng Philippine Health Insurance Corporation.
Ayon pa kay Barroquillo, ang 10.8% na pag-angat ng sektor ng public administration, defense at sa compulsory social security ay resulta ng maraming mga plantilla positions sa pamahalaan ang napunan na bilang mga bagong permanenteng empleyado.
Nakatulong aniya sa pagpapatatag ng ekonomiya ng Bulacan ang pagkakatamo nila ng magandang pasahod at benepisyo ngayong kasama na sila sa Salary Standardization 5.
Habang ang 10.2% na paglago sa accommodation and food services ay patunay na masigla ang industriya ng turismo sa Bulacan sa kabila ng limitadong mga hotel at resorts.
Tinataya ng PSA na bawat mga Bulakenyong nalahok sa pagsulong ng nasabing mga sektor ay nakapag-ambag ng tig P176,381 o ang per capita GDP ng Bulacan.
Kaugnay nito, ipinahayag naman ni Bulacan Provincial Planning and Development Office Planning and Development Officer Norminda Calayag na bagama’t sadyang bumagal ang ekonomiya ng lalawigan, pabalik na rin ito upang makabawi at makatamong muli ng mataas na GDP tulad ng mga naitala mula 2022 hanggang 2024.
Pinapatunayan aniya na matibay at matatag ang mga patakaran at programang pang-ekonomiya na ipinatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na Star Beltway Development Framework na nagbibigay ng prayoridad na maitaguyod ang investment generation, infrastructure and connectivity, industry development and diversification, entrepreneurship and micro, small and medium enterprise development, job creation, agricultural modernization, tourism, at ang trade promotion.
Samantala, tiwala rin ang PSA na makakabawi ang ekonomiya ng Bulacan tulad ng mga nakalipas na panahon.
Matatandaan na noong 2019 ay 6.3% ang GDP ng Bulacan bago maging -15.2% noong pandemya ng 2020.
Agad na nakabawi ito sa 6.7% noong 2021, tumaas pa sa 8.6% noong 2022, bahagyang bumagal sa 5.6% noong 2023 at tumaas muli sa 7.0% noong 2024. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



