Home Headlines Pagbangon ng Obando sa perwisyo ng sunog sa landfill, prinayoridad ni PBBM

Pagbangon ng Obando sa perwisyo ng sunog sa landfill, prinayoridad ni PBBM

349
0
SHARE

OBANDO, Bulacan (PIA) — Prinayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Obando sa pagbababa ng mga programang Bawat Bayan Makikinabang at Bawat Barangay Makikinabang sa lalawigan ng Bulacan.

Ito’y bilang patuloy na pag-agapay sa pagbangon ng bayang ito mula sa perwisyo ng nakaraang sunog sa isang landfill na sakop ng katabing lungsod ng Navotas.

Sa pangangamusta ng pangulo sa mga taga-Obando, ibinalita niyang tuluyan nang naapula ang sunog sa nasabing landfill na katumbas ng dalawang palapag na gusali ang kapal ng basura.

Umalalay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga taga-Obando, Bulacan para sa kanilang lubos na pagbangon mula sa perwisyo ng sunog sa landfill sa kalapit na lungsod ng Navotas. Pangunahing ibinaba ng pangulo ang mga programang Bawat Bayan Makikinabang at Bawat Barangay Makikinabang na pawang pinondohan ng Local Government Support Fund at Socio-Civic Project Fund mula sa Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas. (PCO)

Kaya’t minarapat aniya na tabunan ito ng mga lupang basa upang tuluyang maapula ang apoy at mahinto ang matinding pag-usok na bumalot kamakailan sa buong Obando.

Tiniyak din ni Pangulong Marcos na hindi na mauulit ang naturang insidente. Handa aniyang makinig ang pamahalaang nasyonal kung anu-ano pa ang kailangan para sa lalong pagsulong ng bayan.

Pangunahin na rito ang tuluyang pagkukumpleto sa pagpapatayo ng mas mataas at malaking tulay sa hangganan ng Barangay Tawiran, Obando at Barangay Taliptip sa bayan ng Bulakan.

Ayon kay Mayor Leonardo ‘Ding’ Valeda, papalitan ng tulay na ito ang unang tulay na ipinatayo pa ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. noong 1972.

Malaking bagay aniya ang pagkakapunta ni Pangulong Marcos Jr. dahil tiniyak ang pagkukumpleto ng tulay sa lalong madaling panahon gayundin ang pagpapalaki ng gymnasium ng Obando Central School.

Habang isinasakatuparan ang mga ito, pinasimulan ng pangulo sa Obando ang direktang paghahatid ng mga biyaya sa mga mamamayan mula sa tulong sa pagkain, edukasyon at mga pambarangay na proyekto, sa tulong ng Local Government Support Fund (LGSF) at Socio-Civic Project Fund (SCPF).

Aabot sa 2,083 na mga residente ang pinagkalooban ng tig-10 kilo ng Bagong Pilipinas Rice na bahagi ng Bawat Bayan Makikinabang program na pinondohan ng LGSF.

Ginawang prayoridad na makatanggap nito ang mga Bantay Dagat Volunteers, Estero Rangers, street sweepers, tricycle at jeepney drivers, solo parents, persons with disabilities, at mga senior citizens.

Makakatanggap sila ng tig-10 kilo ng bigas ng dalawang beses kada isang buwan.

Para naman sa pinondohan ng SCPF mula sa Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas, may halagang P2.2 milyon ang ipinagkaloob ni PBBM sa may 11 mga barangay ng Obando.

Ito ay sa ilalim ng Bawat Barangay Makikinabang kung saan nilaanan ng P200,000 ang bawat isang barangay.

Sa loob ng naturang halaga, P100,000 ang para sa mga barangay-initiated development projects.

Habang para sa limang scholars kada isang barangay ibinigay ang isa pang P100,000 sa ilalim ng Bagong Pilipinas Presidential Scholars.

Naniniwala si Konsehal Benedicto DC Sta. Ana, pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Obando, na direktang makikinabang sa programang Bawat Barangay Makikinabang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pinakamahihirap na titiyak sa kanilang makakain at pag-aaral ng kanilang mga anak. Ilalaan naman aniya ang alokasyon sa barangay-initiated development projects sa pagsasaayos ng mga depressed areas sa bayan. (Clarence May F. De Guzman/PIA 3 GIP)

Sa pahayag ni Konsehal Benedicto DC. Sta. Ana, pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Obando, malaking tulong ito sa kanilang mga kababayan lalo na sa mga poorest of the poor.

Ang ibinibigay na ayuda sa mga scholars ay malaking tulong sa mga magulang na walang kakayahan para ipagpatuloy ang pag-aaral ng kanilang mga anak dahil ang edukasyon ay malaking pamana.

Inilaan naman na pambili ng monoblock chairs at iba pang pangunahing pangangailangan at sa iba pang depressed areas ang alokasyon para sa barangay-initiated development projects.

Makakatulong sa arawang baon ni Rhian Andrea Dela Rosa, isang Marine Transportation student sa Our Lady of Fatima University ang pagiging isa sa 55 na mga Bagong Pilipinas Presidential Scholar mula sa Obando, Bulacan. (Clarence May F. De Guzman/PIA 3 GIP)

Kaugnay nito, kabilang si Rhian Andrea Dela Rosa, isang Marine Transportation student sa Our Lady of Fatima University sa 55 na mga Bagong Pilipinas Presidential Scholars sa bayan ng Obando.

Sila ang mga napagkalooban ng educational assistance mula SCPF sa pamamagitan ng Bawat Barangay Makikinabang program ni Pangulong Marcos Jr.

Para sa kanya, malaking tulong ito sa pang araw-araw na gastusin at sa kanyang pag-aaral, sa tuition, training at pang araw-araw na baon.

Nagpaabot siya ng pasasalamat sa pangulo dahil sa pagkakaloob ng ganitong klase ng tulong para sa mga scholars.

Samantala, ibinalita rin ni Pangulong Marcos na para hindi maputol ang mga agarang tulong ng pamahalaang nasyonal, target aniyang mas palakihin pa sa panukalang pambansang badyet ng 2027 ang alokasyon sa LGSF. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here