LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Sinisiguro ng Pag-IBIG Fund ang mas pinalawak na benepisyo para sa mga miyembro.
Ito ay mula sa ipatutupad na karagdagang hulog na magbibigay ng mas mataas na kita sa dibidendo o ang makukuhang interes mula sa ipon kada taon.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch Head Reynante Pasaraba, maraming benepisyo ang matatanggap ng miyembro mula sa pagdaragdag ng kontribusyon.
Aniya, sa dagdag na buwanang hulog ng mga miyembro ay dodoble ang kanilang buwanang ipon sa Pag-IBIG Regular Savings.
Kung mataas ang ipon ay tataas din ang maaaring mahiram na halaga mula sa Multi-Purpose Loan o Calamity Loan program ng tanggapan.
Tiniyak rin ni Pasaraba na mapapanatiling mababa ang interes sa mga nabanggit na loan program dahil masisigurong mayroong pondo para matugunan ang pangangailangan ng mga miyembro na nakikinabang sa mga nabanggit na programa.
Gayundin ay hangad ng tanggapan na dumami pa ang miyembro na magkaroon ng sariling bahay sa pagbibigay ng mababang interes sa Pag-IBIG Housing Loan at makatulong sa pagpopondo ng 4PH o Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program na isinusulong ng kasalukuyang administrasyon.
Sinabi naman ni Pag-IBIG Fund Central Luzon II Area Head Amy Gopez na malaking tulong para sa mga miyembro na magkaroon ng mataas na dibidendo at maibalik sa kanila ang ipon sa oras na magmature ang kanilang membership, sa panahon ng kanilang pagreretiro o sa iba pang kadahilanan.
Maaari din namang maghulog ang miyembro nang higit pa sa minimum contribution dahil ang bawat hulog sa Pag-IBIG ay ipon ng miyembro, na taun-taon ay may kitang dibidendo.
Samantala, simula sa Pebrero ang buwanang hulog na sa Pag-IBIG ay P400.
Para sa karagdagang impormasyon ay maaaring magtungo sa pinakamalapit na branch o mag-email sa contactus@pagibigfund.gov.ph. (CLJD/CCN-PIA 3)