Home Opinion Good Manners and Right Conduct, dapat na bang ipatupad?

Good Manners and Right Conduct, dapat na bang ipatupad?

937
0
SHARE

1.

Noong kami ay bata pa at nasa elementary

may asignatura noong acronym na GMRC

ang mga tinatalakay ay paggawa ng mabuti

sa bayan sa mamamayan sa pamilya at sarili

kaya sa panahong yaon ay bibihirang  mangyari

ang mga pang-aabuso o ang mga pambu-bully

2.

Sa Good Manners and Right Conduct isipan ay nahuhubog

sa pagiging makabayan, makatao at makaDiyos

disiplinado ang bata hindi nagiging mapusok

malumanay magsalita at mahinhin kung kumilos

noon ang mag-aaral sa guro nila ay may takot

takot na mayrong respeto na sadyang kalugod-lugod

3.

Noong araw ang salita’t pangaral ng mga guro

sa isip ng bata’y tila ba palasong tumitimo

walang nagiging pasaway walang nagiging palalo 

pag di nakuha sa tingin ay malamang na mapalo

at ang mga mag-aaral na ayaw magpakatino

ay guidance counselor na ang sa kanila’y magpapayo

4.

Ang Good Manners and Right Conduct naging sentro ng usapin

mula ng sa Tacloban ay maganap ang pamamaril

hindi pa huli ang lahat upang muling paigtingin

ang pagtuturo nito sa mga paaralan natin

lalo sa panahon ngayon maraming nakakapansin

mapusok ang kabataan at ang ulo’y mainitin

5.

Kapag  nag-aral ang bata guro ang nagiging gabay

upang mahubog ang isip nila sa tama’t mahusay

subalit ang magulang ang nararapat pumatnubay

pag ang bata’y nasa loob ng kanilang pamamahay

kahit ano pa ang antas ng kanilang pamumuhay

ay magulang pa rin naman ang kanilang kaantabay

6.

Subalit kung tutuusin mas matagal ang panahong

pananatili ng bata sa pandayan nitong dunong

napakahaba ng oras na kanilang ginugugol

na kasama ng kanilang mga guro sa maghapon

ang Good Manners and Right Conduct ay sadyang napapahon

na pairalin sa ating mga paaralan ngayon

7.

Ang pamamalo ng guro’y bahagi ng disiplina

upang bata ay ituwid sa pagkakamali nila

ngunit sa panahon ngayon ito’y pinagbabawal na

dahil baka child abuse pa ang ikaso sa kanila

ang mga batang pasaway malabo ng magbago pa

kung ang hapdi ng palo ay hindi nila madarama

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here