LUNGSOD NG SAN FERNANDO – Pinag-ibayo pang higit ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapalakas sa kahandaan ng Pampanga sa panahon ng kalamidad at epekto ng climate change.
Sa idinaos na 2nd Quarterly Meeting ng Pampanga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council nitong June 18, na pinangunahan nina Gov. Lilia “Nanay” Pineda at Vice Gov. Dennis “Delta” Pineda, kasama si PDRRMO chief Janica Yambao, inaprubahan ang realignment ng mahigit P63 milyon para sa iba’t ibang disaster preparedness at climate change adaptation and mitigation measures.
Kabilang sa mga paglalaanan ng naturang pondo ang mga sumusunod:
- P15,000,000 para sa construction, improvement, site development, at fencing ng DRRM buildings and facilities, flood mitigation infrastructure, at installation ng Disaster Risk Reduction-Climate Change Adaptation equipment, products, at instruments;
- P4,000,000 para sa fuel na gagamitin sa desilting operations, disaster preparedness activities, at disaster monitoring and response operations;
- P8,860,000 para sa emergency shelter, core shelter, food/cash for work, financial assistance, medical assistance, burial assistance, at iba pang emergency needs ng mga pamilya at vulnerable population na maaapektuhan ng kalamidad o disaster-related diseases;
- P20,000,000 para sa procurement ng emergency response and rescue vehicles, heavy equipment, at iba pang kagamitan na kinakailangan sa mabilis na pagtugon sa panahon ng sakuna; at
- P16,000,000 para sa pagbili ng mobile collection units bilang bahagi ng climate change adaptation and mitigation at disaster preparedness efforts ng lalawigan.
Ayon sa council, layunin ng naturang realignment na mas mapalakas ang kapasidad ng Kapitolyo na makapaghanda, makapagresponde, at makapagbigay ng agarang tulong sa mga komunidad na maaapektuhan ng kalamidad.

Inaprubahan din ang paggamit ng P20,000,000 mula sa trust fund ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund na nagmula sa mga nakaraang taon. Ang pondong ito ay nakalaan para sa augmentation support, equipment, supplies, at iba pang kinakailangang tulong sa ibang probinsya o lugar na tatamaan ng kalamidad.
Ibinigay na halimbawa ni Gov Nanay ang all-out augmentation na ibinahagi ng Kapitolyo matapos gumuho ang isang 9-storey building sa Angeles City noong May 24, 2026.
Nagbigay ang Kapitolyo ng suporta sa collapsed structure search and rescue operations, kabilang ang equipment at supplies. Nagpadala rin si Vice Governor Delta ng personal na heavy equipment tulad ng anim na dump trucks at dalawang crane upang makatulong sa operasyon.
Hindi rin napabayaan ang mga naulilang pamilya ng mga biktima. Umabot sa kabuuang P460,000 ang naibigay na tulong pinansyal sa 23 pamilya ng mga nasawing biktima. Bawat pamilya ay nakatanggap din ng 25 kilo ng bigas at canned goods.
Patuloy ang paghahanda, pagresponde, at pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan para sa kaligtasan ng bawat Kapampangan. Pampanga PIO/Photos: Daniel Ombina



