LUNGSOD NG MALOLOS — Agad na naibalangkas at aprubado na ng provincial disaster risk reduction management council ang 2027 Local Disaster Risk Reduction Management (LDRRM) Plan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Kasama ito sa mga paghahanda upang mas epektibong makatugon ang Kapitolyo sa matinding El Nino na tatagal hanggang sa unang bahagi ng 2027.
At dahil dadaan ang nasabing tagtuyot, iginagayak din ang pondong ito sa inaasahang matindi ring tag-ulan mula kalagitnaan hanggang sa katapusan ng taong iyon.
Ayon kay Gov. Daniel Fernando, nakapaloob dito partikular ang patuloy na pagpapabuti ng antas ng kakayahan ng mga kawani ng PDRRM office sa pagresponde, pagbili ng mga karagdagang life-saving rescue equipment, mga gamot at kailangang suplay, mga gastusin sa gawain bago at pagkatapos ng kalamidad at pagbabayad ng mga premiums para sa calamity insurance.
Nilaanan ito ng P525 milyon sa ilalim ng 2027 LDRRM Fund kung saan nakapaloob dito ang P367.5 milyon para sa disaster prevention and mitigation, preparedness, response and early recovery at rehabilitation habang mayroon pang P157.5 milyon na ilalaan bilang Quick Response Fund na isang stand-by na pondo na maaaring gamitin kapag naipailalim sa state of calamity ang lalawigan.
Sang-ayon sa itinakda ng RA 10121 (National Disaster Risk Reduction and Management Law of 2010), magmumula ang halagang ito sa limang porsyiento na kabuuang income ng pamahalaang panlalawigan isang partikular na fiscal year tulad ng National Tax Allocation ng pamahalaang nasyonal at ang sariling kita ng Kapitolyo.
Kaugnay nito, iniulat din ng gobernador ang mga pangunahing proyekto na pinondohan ng kasalukuyang 2026 LDRRM Fund tulad ng katatapos lang na slope protection sa Barangay Sumapang Bata sa Lungsod ng Malolos na nilaanan ng P5 milyon.
Tinatapos na rin ang mga drainage projects na ipinapatupad ng provincial engineering office sa mga barangay ng Siling Bata sa Pandi, Lumbac sa Pulilan at Tabing Bakod sa Santa Maria na nilaanan ng tig-P5 milyon.
Iba pa rito ang pagpapatayo ng mga 35 small farm reservoir na pinangasiwaan ng provincial agriculture office para sa limang farmers cooperatives and association sa iba’t ibang panig ng Bulacan na nilaanan ng P2.8 milyon.
Samantala, ibinalita rin ni Fernando na pormal nang natanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang kabuuang P45 milyong tulong pinansiyal mula sa Office of the President para sa ganap na pagbangon mula sa sunud-sunod na kalamidad.
Mayroon ding hiwalay na P1.8 milyon na ipinagkaloob ang Philippine Charity Sweepstakes Office.
Ang nasabing mga halaga ay ipangdadagdag sa mga gastusin sa kaugnay ng iba’t ibang recovery and rehabilitation efforts sa Bulacan. Shane F. Velasco/PIA-3



