LUNGSOD NG MALOLOS— Tiniyak ni Bise Gob. Daniel Fernando na magpapatibay ng isang ordinansa hinggil sa dam safety ang sangguniang panlalawigan (SP) upang mabigyan ng proteksyon ang sambayanang Bulakenyo.
Ito ay matapos ang isang presentasyon ni Inhinyero Roderick Dela Cruz sa SP noong Martes kung saan ay binigyang diin niya na ang mga dam sa Bulacan ay hindi nakahanda sa mas malalakas na ulan.
Ayon kay Fernando, ang paghahanda sa ordinansa sa dam safety ay kaugnay ng inihaing panukalang batas sa Kongreso noong 2011 na hanggang ngayon ay hindi pa napagtitibay, samantalang ang Kongreso at Senado ay naaabala sa pork barrel scam.
Sinabi ng bise gobernador na hanggat hindi napagtitibay ang batas ay walang malinaw na proteksyon ang may tatlong milyong Bulakenyo, partikular na ang mga nakatira sa kahabaan ng Ilog Angat at mga bayang palaging binabaha.
Dahil dito, wala ring malinaw na pananagutan ang mga namamahala sa dam kapag muling bumaha sanhi ng kanilang kapabayaan. “Kailangang magkaroon tayo ng ordinansa sa dam safety upang matukoy kung ano ang mga dapat pamantayang sundin ng mga namamahala sa dam na magiging basehan ng pananagutan kung sakaling magkakaroon ng dam misoperation,”ani Fernando.
Bukod sa magsisilbing proteksyon sa mga Bulakenyo, ang panukalang ordinansa ay magiging batayan ng pananagutan. Inayunan din ito ni Bokal Felix Ople, ang pinuno ng committee on environment sa SP. Ayon kay Ople, noong 2011 ay nagbanta si Gob. Wilhelmino Alvarado na idedemanda ang mga opisyal ng National Power Corporation na namamahala sa Angat Dam dahil sa pagbaha sa Hagonoy at Calumpit.
Ngunit ang banta ay nanatiling banta lamang. Ayon kay Ople, kung mayroon dam safety ordinance ang Bulacan, magiging batayan ito ng punong lalawigan upang habulin at papanagutin ang mga namamahala sa dam kung magkakamali sa pamamahala.
“Hindi puwede yung puro pangangalampag na lang ang gagawin natin sa national agencies, dapat ay bigyan natin ng bala o artillery si governor para kapag bumaha at natukoy na may pagkakamali, malinaw kung ano ang batayan ng kasong isasampa,” paliwanag ni Ople na tulad ni Alvarado ay nagsilbing alkalde sa bayan ng Hagonoy.
Pabor sin ang iba pang kasapi ng SP sa panukalang dam safety ordinance, ngunit ang ilan ay nagpahayag ng pag-aalangan sa posibilidad na hindi ito bigyang pansin ng mga pinuno ng nation government agencies dahil isa lamang lokal na batas.
Ilan ang nagpahayag na kung walang malinaw na batas ang pamahalaang nasyunal, ang batas na pinagtibay ng isang lokal na pamahalaan ang masusunod sa nasasakupan nito.
Inyunan din ito ni Bokal Ernesto Sulit ng San Miguel na nagsabing, “dapat nating subukan.” Una rito, sinabi Inhinyero Dela Cruz, isang dam safety expert mula sa bayan ng Hagonoy na sa Estados Unidos, na may dalawang uri ng batas.
Ito anya ng federal at state law na ang katumbas ay pambansa at local na batas, ayon sa pagkakasunod.
Ayon kay Dela Cruz, ang unang dam safety law sa Amerika ay inakda ng State of California at nang makita ito ng mga federal officials, ay ginawa nilang batayan para sa pagbuo ng federal law.
“Kung nagagawa sa Amerika, bakit hindi natin magawa dito sa Pilipinas o sa Bulacan,” ani Dela Cruz na isa sa 11 natatanging Bulakenyo na tumanggap ng Gawad Dangal ng Lipi para sa taong 2013.