ABUCAY, Bataan- Patay ang isang negosyante matapos barilin ng isang nagkunwaring mamimili sa harap ng kanyang tindahan ng marble at granite sa barangay Capitangan, dito Huwebes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ricardo Moral, 43, nakatira sa itaas ng puwesto ng inuupahan sa tabi ng MacArthur Highway sa Capitangan. Idineklara ng doctor na dead on arrival ito alas-8 ng gabi sa ICMC hospital sa Balanga.
Kaba-baba ng biktima sa dala nitong tricycle nang barilin ito ng malapitan sa ulo ng diumano’y nakaabang na lalaki. Naka-rekober ng isang basyo ng bala ng kalibre .45 pistola ang mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumalilis diumano ang nag-iisang lalaki na tinatayang may taas na 5’3", may malaking pangangatawan at nakasuot ng maong pants, puting T-shirt at Red Bull cap.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Abucay police.