NOON, kung ang isang tao ay may tattoo
sa alin mang parte ng katawan, lalo
sa bisig, sa dibdib, ating mapagtanto
kaagad na ang taong ‘yan ay nabilanggo.
At kung saan ‘tatak rehas’ ang tawag d’yan
sa mga taong may tattoo sa katawan,
na ini-iwasang makasama man lang
ng iba pati ng dating kaibigan.
Sa kadahilanang ikinahihiya
na nilang muli pang ya’y makasama nga,
at kung saan pati sa iba ay sira
na rin ang imahe ng kaawa-awa.
Pati paghanap ng trabaho, mahirap
makakita ang mga may ‘tatak rehas,’
sanhi marahil nang ang ganyang may tatak
pinangingilagan nitong halos lahat.
Pero sa panahong ito ay iba na
ang dati ay pangit na pagkakilala
sa taong may tattoo sa katawan niya
pagkat malaki na nga ang pagkaiba.
Kung dati itong may tattoo sa katawan,
galing sa ‘Munti’ ang pagkakilala r’yan
nina lolo’t lola, pero sa ngayon ‘yan
ay ‘feeling proud’ pa ang may tattoo, kabayan.
Kaya naman, hayan ay parang kabute
na itong sa tattoo nagpatatak pati,
at di na naisip ang ilang posible
na ibunga n’yan sa kanilang sarili.
Ilan sa ‘negative effect’ ng may tattoo,
sila’y di pupuedeng kuhanan ng dugo
para magamit sa sariling ‘kadugo’
sakali’t bukas ay kailanganin nga po.
At itong isa pang hindi kagandahan
ng mayroong tattoo sa ating katawan,
mahirap humanap ng mapapasukan
ang sinuman na may tatak na ng ganyan.
At yan ay personal na sinabi sa ‘kin
ng PESO Executive Offi cer’ natin
sa Capitol, nang siya ay aming tanungin
hinggil sa kung ano pang kakailanganin.
Na maari nating mairekomenda pa
para maipasok sa ‘abroad’ at saka
sa ‘local employment’ dito sa Pampanga,
at ang bilin puwera ang may ‘tattoo’ aniya.
Malinaw na hindi basta maipasok
sa trabaho dito, lalo na sa ‘abroad’
ang may ‘tattoo’ kaya nga’t matinding dagok
sa kanila itong bagong pag-uutos.
Samakatuwid ay ano pang pag-asa
na makahanap ng trabaho ang iba
nating kababayan ngayong nag-higpit na
sa pag-’hire’ ng tao ang ibang kumpanya?
Kaya, kayo na may balak magpa-tattoo
huwag n’yo nang ituloy pagkat pagkabigo
ang kahantungan ng di mabuting luho
kapag sa di tama lubos narahuyo.
At kung saan pati ating kapamilya
ay damay sa hindi mabuting resulta,
nitong sa katawan natin ‘ibinurda’
na habang buhay na nating dala-dala!