Naghilom na ang sugat ng 1993 Bocaue pagoda tragedy

    467
    0
    SHARE
    BOCAUE, Bulacan—Hinilom na ng panahon at pananampalataya ang sugat na hatid ng pagoda tragedy sa bayang ito noong Hulyo 2, 1993.

    Kaugnay nito, tiniyak ng pamunuan ng Parish Pastoral Council (PPC) ng St. Martin of Tours sa bayang ito na magiging ligtas ang pagdiriwang ng ika-159 piyesta ng Krus sa Wawa sa darating na Linggo, Hulyo 5.

    Ayon kay Reggie Dela Fuente, ang co-chairman ni Fr. Jovie Sebastian sa PPC, mula noong 2006 ay muli nang nagbalik ang sigla ng pagdiriwang ng piyesta.

    Si Father Sebastian ang kura paroko ng parokya ng St. Martin of Tours sa bayang ito.

    “Nakabangon na ang mga tao, naghilom na ang sugat na iniwan ng trahedya,” ani Dela Fuente.

    Sinabi ni Dela Fuente na halos 13 taon ang nagdaan bago muling isinagawa ang taunang prusisyon sa kailugan ng bayang ito na tinatampukan ng pagoda ng Krus sa Wawa.

    Matatandan na noong gabi ng Hulyo 2, 1993 ay umabot sa 264 katao ang namatay sa paglubog ng pagoda na tinaguriang “Bocaue Pagoda Tragedy.

    Kaugnay nito, tiniyak ni Rodelio Concepcion, ang tagapag-ugnay ng PPC sa paggawa ng pagodang gagamitin sa prusisyon sa ilog, na hindi na mauulit ang nasabing trahedya.

    Ito ay dahil sa maraming pagbabago ang kanilang ipinatupad upang matiyak ang kaligtasan ng mga lalahok sa taunang pagdiriwang.

    Una, mas maliit ang pagodang gagamitin kumpara sa ginamit noong 1993.

    Ikalawa, ang pagiging maliit ng pagoda ay nangangahulugan na limitado ang bilang ng sasakay doon.

    Ikatlo, ang paglalayag ng pagoda ay isasagawa lamang sa araw ng kapiyestahan, hindi katulad noong bago maganap ang trahedya na halos isang linggong gabi-gabing naglalayag ito at tigib ng sakay na tao.

    Ayon kay Concepcion, ang pagodang kanilang gagamitin sa Linggo ay unang ginamit noong 2006, ang unang pagkakataon na nagsagawa ng prusisyon sa ilog o 13 taon matapos ang trahedya.

    “Reusable yung pagoda natin,” ani Concepcion, ”dahil mga drum na plastic ang nagpapalutang doon at may platform na may lapad na 20 talampakan at may habang 30 talampakan kung saan itinatayo yung disenyo ng pagoda.”

    Ang dating pinagsasakyan ng pagoda ay mga pituya na pinagdikit-dikit at nilapatan ng mga tabla o platform na nagsilbing tuntungan ng mga taong sumasakay doon.

    Ayon kay Concepcion, noong 2006 ay 60 drum na pinagdikit-dikit ang gamit nila, ngunit sa taong ito ay dinagdagan pa nila ng 12 para sa kabuuang 72 drum upang higit na mas matatag iyon.

    Sinabi niya na ang mga taong sasakay sa platform ng pagoda ay limitado lamang sa 50.

    “Kung tutuusin ay mas nakakatipid kami ngayon dahil resuable yung platform ng pagoda, hindi katulad noong bago maganap ang tragedy na taon-taon ay nagrerenta kami ng pituya,” aniya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here