Home Opinion ‘More lockdowns’ nga kaya ang tamang solusyon?

‘More lockdowns’ nga kaya
ang tamang solusyon?

620
0
SHARE

KUNG sa araw-araw ay patuloy tayong
animo ay naka-posas sanhi nitong
wala na rin yatang katapusang ‘lockdown,
saan na ang buhay ng dukha hahantong?

Partikular na r’yan itong nasa lungsod
ng Quezon, Maynila at karatig pook,
na higit ang bilang ng mga hikahos
sa buhay kaysa namumuhay sa bundok.

Na mas mapalad ang nasa malalayong
lugar sa NCR, na hindi gaanong
apektado r’yan ng ‘MECQ, lockdown,’
sila’y maituturing na ligtas sa gutom.

Kahit kamote lang o anumang bagay
na mailuluto, makararaos ‘yan
sa pangaraw-araw nilang pamumuhay
at walang gaanong pinangingilagan.

Pero tayong nasa abot-kamay natin
ang lahat na bago magka’Covid-19,
kaninong kamay pa ng Diyos maaring
makuha ang araw-araw na gastusin?

Maraming nawalan diyan ng trabaho
dahil ang dami ring establisyemento
ang nagsara sapol salakayin tayo
ng ganyang ‘virus’ na mamamatay-tao.

At hanggang sa oras na ito, patuloy
ngang banta sa buhay nating mga Pinoy
ang kamandag nito pero di sa lason
n’yan tayo mamatay kundi ng sa gutom.

At kung saan kapag wala nang makain
ang nakararaming kababayan natin,
dahil sa ayaw nga silang palabasin;
ano sa tantya n’yo ang maaring gawin?

Tayo mang marahil ang may mga anak,
na walang makain at panay ang iyak
dahil gutom di mo gagawin ang lahat
para makaraos kahit mapahamak?

Di ‘lockdown’ sa ganang atin ang remedyo
upang sa ‘virus’ ay makaiwas tayo,
kundi nang gawan ‘yan ng ating gobyerno
ng matamang pansin at mas epektibo.

Ang tayo’y umasa sa hindi pa subok
na klaseng bakunang dito ipinasok
nitong iba’t-ibang kumpanya ng gamot,
yan sa buhay natin may peligrong dulot.

Disiplina ang siyang sa ating sarili
ang dapat unahin upang manatili
tayong ligtas laban sa di ikabuti
ng ating buhay at kapamilya pati.

At sundin parati ang mga protocol
na pinaiiral ng rehimeng Digong
ngayong itong ‘virus’ ng Covid patuloy
tayong pinapatay ng taglay na lason.

Pasasaan ba at hindi makahanap
ng tamang solusyon sa ‘ting paghihirap
ang pamahalaan upang itong lahat
na ng problemang yan mabigyan ng lunas!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here