Mga mangingisdang binomba ng tubig ng mga Intsik pabalik-balik pa rin sa Bajo de Masinloc

    672
    0
    SHARE

    MASINLOC, Zambales – Bagama’t natatakot dahil sa pagbomba ng tubig at pagtataboy ng Chinese military, pabalik- balik pa rin ang mga mangingisda ng baying ito sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.

    “Natatakot ang asawa ko at mga tauhan niya pero lakas-loob na lang dahil mahirap ang buhay,” sabi noong Martes ni Gemma, asawa ni Efren Forones, kapitan ng fishing boat na Randy I.

    Lalo umanong lumalakas ang kaba ng mga mangingisda kapag may eroplano ng China sa tapat nila. Ang Randy I ay isa sa dalawang fishing boat na binomba ng tubig ng mga Intsik noong Enero 27, 2014 upang itaboy sa pinag-aawayang Scarborough Shoal ng Pilipinas at China.

    “Noong bombahin daw sila ng tubig ng mga Intsik mula sa malalaking hose, lumayo na lamang sila,” sabi ng babae. Tumanggi namang idetalye ni Macario Forones, fish trader, ang nangyaring pambobomba ng tubig sa kanyang mga tauhan sa pangambang baka lalong magalit ang mga Intsik sapagka’t may dalawang fishing boat siyang nasa Scarborough Shoal.

    Ang isang bangka ay pabalik sa Masinloc Miyerkules ng madaling-araw samantalang ang isa pa na umalis sa Masinloc Martes ng ala-una ng hapon ay aabutin ng tatlong araw upang makabalik. “Ayusin sana ng gobyerno na makapangisda kami nang maayos na walang agam-agam at hindi pinapalayas ng Chinese,” panawagan ni Forones.

    Ipinakita ni Forones ang mga tarian, lipstikan at tanigue na aniya’y, ilang mga isdang nahuhuli sa Scarborough at itinitinda sa palengke ng Masinloc. Mula sa Sitio Sapyawan sa Barangay South Poblacion, Masinloc, itinuro ni Fred Nazareno ang daan papuntang Scarborough.

    Nakabibighani ang papalubog ng araw sa bundok malapit sa bahagi ng dagat na dinaraanan ng mga barko at fishing boats. Inaabot, aniya, ng 14 hanggang 18 oras mula Sapyawan upang marating ang Scarborough.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here