Home Headlines Mga barkong nakadaong sa Subic Bay, nakibahagi sa ika- 10 taong anibersaryo...

Mga barkong nakadaong sa Subic Bay, nakibahagi sa ika- 10 taong anibersaryo ng Tagumpay ng Arbitrasyon para sa West Philippine Sea

121
0
SHARE

SUBIC BAY FREEPORT ZONE (PIA) — Matitikas at magkakasamang nagpaugong ng mga busina, 10 beses kada 10 minuto, ang may 28 na mga barko na nakadaong sa Subic Bay.

Ito’y bilang pagpaparangal sa Ika-10 Taong Anibersaryo ng 2016 Arbitration Award para sa West Philippine Sea, na inilabas ng Permanent Court of Arbitration noong Hulyo 12, 2016 na nakabase sa Peace Palace sa The Hague, Netherlands.

Kinabibilangan ito ng walong barko mula Philippine Navy, tatlo mula National Mapping and Resource Information Authority, at 17 commercial na barko.

Pinangunahan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang aktibidad bilang simbulo ng pakikiisa ng mga mandaragat sa matagumpay na pagigiit ng Pilipinas na malayang makapaglayag at makalipas, makadaan at makapangisda, at makinabang sa mga likas na yaman ang mga Pilipino sa West Philippine Sea.

Ayon kay SBMA Senior Deputy Administrator Ronnie Yambao, hindi lamang ito isang pag-alaala kundi pagpapaigting na higit na makapagpalaganap pa ng kamalayan sa kahalagahan ng desisyon nito sa karaniwang mga mamamayan.

Taong 2013 nang pormal na naghain ng reklamo ang pamahalaan ng Pilipinas laban sa China sa pamamagitan ng arbitrasyon.

Matitikas at magkakasamang nagpaugong ng mga busina, 10 beses kada 10 minuto, ang may 28 na mga barko na nakadaong sa Subic Bay. Ito’y bilang pagpaparangal sa Ika-10 Taong Anibersaryo ng 2016 Arbitration Award para sa West Philippine Sea, na inilabas ng Permanent Court of Arbitration noong Hulyo 12, 2016 na nakabase sa Peace Palace sa The Hague, Netherlands. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Ito’y upang igiit ang karapatan at soberanya nito sa mga isla, likas na yaman at katubigan sa bahagi ng South China Sea na nakapasok sa sukat na itinatakda ng Republic Act (RA) No. 9522 o ang Philippine Archipelagic Baselines Law.

Kalaunan, tinawag nang West Philippine Sea ang bahaging iyon ng karagatan na pasok sa may 101 na archipelagic baselines sang-ayon sa naturang batas.

Nilikha ng Kongreso ng Pilipinas ang RA 9522 upang patatagin ang pinanghahawakan ng bansa sa itinakda ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Base sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration, kinatigan nito ang posisyon ng Pilipinas at pinagtitibay ang Annex VII ng UNCLOS.

Pinapawalang bisa nito ang sinasabing nine-dash line ng China na kumukulong sa Scarborough Shoal at sa Kalayaan Group of Islands.

Kinukumpirma rin ang karapatan ng Pilipinas na makapangisda ang mga mangingisda nito sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc, bilang isang common fishing ground na pasok sa 200 nautical mile ng exclusive economic zone o nasa kanluran ng dalampasigan ng Zambales.

Pinatitibay nito ang paninindigan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa malayang paglalayag at paglipad sa ibabaw ng West Philippine Sea.

Kalakip rin sa naipaglaban dito ang soberanya ng Pilipinas para pakinabangan ng mga Pilipino ang mga likas na yaman na nasa ibabaw at ilalim ng nasabing karagatan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Zambales)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here