Home Opinion Mga aral ng kalikasan

Mga aral ng kalikasan

103
0
SHARE

NOONG NAG-PILGRIMAGE ang mga pari ng Kalookan, minsan nakita ko ang isa sa mga pari namin na “plantito” ring tulad ko. Nakatayo siya sa ilalim ng isang punongkahoy sa tapat ng hotel. Nakahawak siya sa gilid ng puno, nakadampi ang palad niya, nakayuko ang ulo, at nakapikit ang mata. Hindi niya ako napansin nang lumapit ako. Pumuwesto ako sa tapat niya at gumaya ako sa kanya. Mga ilang minuto rin bago niya naramdaman na nandoon ako at binuksan ang mga mata niya. Pagkakita niya sa akin,  ngumiti siya at ang sabi nya, “Ramdam nyo rin ba ang energy na galing sa punongkahoy na ito, Bishop? Sabi ko, “Oo.” “Parang siyang power charger ano? “

Sabi nila, si Gautama Siddharta ay nagtamo ng liwanag sa ilalim ng banyan tree, kaya tinawag itong Bodhi tree (tree of enlightenment) at siya, na naliwanagan ay tinawag na Buddha. Sa imahinasyon ko, inilalarawan ko si Hesus sa Gospel reading natin ngayon na nagdarasal  sa ilalim ng mga punongkahoy, katulad noong naroon siya sa Garden of Olives noong Huwebes Santo nang gabi nang arestuhin siya.  Dito sa pagbasa natin ngayon, fig tree naman. Sabi niya, “Matuto daw tayo sa fig tree.”  Hindi lang energy, kundi wisdom o karunungan ang pwedeng makuha sa punongkahoy.  Kumbaga sa karanasan ni Gautama Siddharta, may maidudulot itong liwanag o pagmumulat. Sa mga ebanghelyo, ang dalas pumulot ni Hesus ng mga aral mula sa kalikasan: sa ibon, sa ligaw na bulaklak, sa butil ng trigo, sa mustasa, at maraming iba pa.

Dalawang aral ang ibig niyang matutunan natin ngayon mula sa kalikasan: una, na lahat ng bagay ay lilipas, kaya mahalagang nakaugat tayo sa walang hanggan.  At pangalawa, na kung marunong tayong magmasid sa mga palatandaan sa kasalukuyan, kaya nating alamin ang hinaharap. Simulan natin sa pangalawa (palatandaan), at mula doon balikan ang una (pagkakaugat).

Madalas gamitin ni Hesus ang salitang tanda o palatandaan.  Wala pang scientific weather forecasting noong panahon niya, pero noon pa man marunong nang magmasid ang tao.  Sa Mateo 16:3 sabi niya nasasabi daw ng tao “Mukhang may paparating na bagyo; kulay-pula ang alapaap.”  Bakit ba kaya ninyong kilatisin ang anyo ng langit pero hindi ninyo makilatis ang mga palatandaan ng panahon?

Noong una, ang tawag sa mga propeta sa Israel ay manghuhula, dahil naaaninag daw nila ang darating.  Hindi naman kailangan ng bolang kristal para maaninag ang hinaharap.  Kailangan lang maging mapagmasid at mapanuri para maintindihan ang mga pangyayari sa kasalukuyan batay sa nakaraan.  Kalulunsad lang sa diocese of Kalookan ng isang makapal na libro na pinamagatang AGOS.  Nasabi ko sa book launching namin noong nakaraang Biyernes na magandang larawan ang “agos” para sa pagsusumikap naming matuto ng mga aral sa kasaysayan, dahil ang buhay nga naman ay parang tubig ng ilog na patuloy na umaagos.  “You don’t step on the same river twice,” sabi ng Griyegong pilosopo na si Heraclitus. Hindi lang ang mundo ang patuloy na nagbabago; tayo rin, araw-araw napapalitan ang mga cells sa katawan natin.

At kaya kasaysayan para sa atin ang history ay dahil, mas mahalaga kaysa salaysay ang pag-unawa sa saysay o kahulugan ng mga pangyayari.  Ito lang ang pwedeng magpamulat sa atin sa direksyon na dapat tahakin patungo sa hinaharap.  Di ba kasabihan din natin, “Ang ‘di marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan?”

Bumalik tayo ngayon sa unang aral:  lahat ng bagay ay lilipas.  Ang mga punongkahoy na mababaw ang ugat ay madaling itaob ng bagyo.  Mahalaga ang magkaroon ng mas malalim na pagkakaugat para maging matatag, at tulad ng kawayan, matutong yumuko at magpakumbaba sa pagdaan ng mga unos sa buhay na lilipas din naman.  Hangga’t nakaugat nang malalim, puwedeng tumayong muli at bumawi. Ganyan ang Diyos sa buhay natin.

Sabi ni Hesus, lilipas daw pati langit at lupa ngunit hindi ang kanyang salita.  Kaya tayo bumabalik-balik sa simbahan: para hanapin ang mas malalim na pagkakaugat, para maging mas matatag ang tayo natin sa pagharap natin sa mga kalamidad tulad ng mga unos, daluyong at bagyo.  Hindi ba sa kuwento ng paglikha, salita lang ang binigkas ng Diyos at sunod-sunod nang nalikha ang lahat ng bagay sa daigdig?  Ang salita ng Diyos ng Pag-ibig ang humubog sa atin sa kanyang hugis at wangis.   Kaya mahalagang makinig sa kanyang salita sa pamamagitan ng panalangin para maliwanagan tayo tungkol sa kaugnayan ng ngayon sa kahapon at matanaw ang bukas.

So, ito pong dalawang aral ang baunin natin at huwag kalilimutan:  lilipas ang lahat, iugat ang buhay sa walang hanggan.  At ikalawa, matutong bumasa ng mga palatandaan, umunawa sa kaugnayan ng nakaraan sa kasalukuyan upang maaninag ang hinaharap.

(Ika-33 Linggo ng Karaniwang Panahon, 16 Nobyembre, 2024, Marko 13:24-32

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here