Mayor pinawalang sala ng Sandigan

    160
    0
    SHARE
    NORZAGARAY, Bulacan – Nagbabala ang alkalde ng bayang ito na idedemanda rin niya ang mga taong nagsampa ng kaso sa kanya mahigit 10 taon na ang nakakaraan matapos siyang absuweltuhin ng Sandigan Bayan kamakailan.

    “Pasensiyahan po tayo, babalikan ko kayo, sapagkat hindi ko matanggap na ang inyong punongbayan ay kinakasuhan ninyo ng mga maling paratang,” ani Mayor Feliciano Legazpi.

    Iginiit  niya “na ang tao kung minsan ay mabait, kung minsan ay nangangagat din.”

    Batay sa limang pahinang desisyon na ipinalabas ng unang dibisyon ng Sandigan Bayan nitong Agosto 12, si Legazpi ay pinawalang sala sa kasong graft and corruption na isinampa ni Dr. Evangelina Ramos noong Agosto 2000.

    Maging ang hold departure order at pagsususpinde sa tungkulin kay Legazpi ay pinawalang bisa.

    Ang kaso laban sa alkalde ay nag-ugat sa pagtutol niya na pagbibigay ng dagdag na suweldo kay Ramos na noo’y patapos na ng paglilingkod bilang municipal health officer.

    Sa kanyang depensa sa korte, sinabi ni Legazpi na hindi mabibigyan ng dagdag na suweldo si Ramos dahil sa walang pondo ang munisipyo at walang ordinansang nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan.

    Ngunit iginiit ni Ramos na may ipinalabas ng kautusan ang Department of Budget and Management, bukod sa isang isang kapasiyahang bayan na nagsasabing dapat siya’y bigyan  ng dagdag na sahod.

    Ngunit kinatigan ng Sandigan ang posisyon ni Legazpi na ang pagbibigay ng dagdag na suweldo sa iisang tao lamang  sa pamamagitan ng kapasiyahang bayan ay labag sa batas.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here