May mabisang solusyon sa magastos na eleksyon

    1437
    0
    SHARE
    Ano kaya, para mabawasan man lang
    Kundi man posibleng maburang lubusan
    Ang korapsyon sa ating pamahalaan
    Ay gumawa tayo ng ibang paraan;

    Kung paano natin mabago ang takbo
    At/o kalakaran ang halalan dito,
    Na di maikakailang yan ang puno’t dulo
    Ng lahat ng baho sa ating gobyerno.

    Pagkat nang dahil sa maruming eleksyon,
    Kung saan ang lahat ng gustong humabol
    Ay di barya lang ang perang ginugugol
    Bago malagay sa anumang posisyon,

    At natural lang na gagawa’t-gagawa
    Ng paraan para yan ay mabawi nga,
    Sa kahit na anong klase ng himala
    Upang maburiki ang kaban ng bansa.

    Kaya’t para masawata ang korapsyon,
    Kabayan, may isang magandang solusyon
    Kung saan ang ating gagawing eleksyon
    Ay walang gaanong perang magugugol;

    At kung saan pati karaniwang tao,
    Na walang salapi – pero EDUKADO –
    Ay may tsansang manungkulan sa gobyerno;
    At di tulad nitong kung di milyonaryo,

    Ay walang puwang na makapanungkulan
    Sa pamahalaan ng dahil po lamang
    Sa napakalaki ng perang kailangan
    Upang makasali sila sa halalan!

    At ang solusyon ay ganito kasimple:
    Ang ating Kamara de Representante,
    Senado at Tanggapan ng Presidente,
    Ay magpasa ng Bill – na ang badyet pati

    Para sa eleksyon ay kasama na rin
    Sa taunang badyet at ibang gastusin;
    Kung saan ang perang yan ay gagamitin
    Tuwing may halalan tayo dito sa ‘tin.

    Mapa’ lokal man o maging sa nasyunal,
    Kasama pati na rin ang pambarangay;
    Upang sa gayon ay lahat pantay-pantay
    At walang anumang posibleng lamangan.

    Pagkat ang lahat ng mga kandidato
    Para sa nasyunal sama-sama mismo
    Sa isang billboard lang – at hiwalay dito
    Ang para sa lokal sa iisang puesto.

    Pero may batas din na marapat sundin
    Upang ang proseso’y maging malinis din;
    At yan sa House Bill na maaring likhain
    Para r’yan ng Congress posibleng marating. 

    Na ipapasa ng Senate sa Pangulo
    Upang maging batas pagka-pirma nito;
    (At siyang ‘papatay’ sa lumang estilo,
    Na ang walang pera’y di puedeng tumakbo)

    Sa ganyang sistema, ang “premature campaign”
    At iba pa, gaya ng “over spending,”
    “Vote buying” at lahat ng “electioneering”
    Ay mabubura na sa eleksyon natin.

    Dahil sa ang lahat ay nakapaloob
    Sa rebisadong “Omnibus Election Code;”
    At kung saan “during the election period,”
    Bawal mamigay ng sariling polyetos

    Ang lahat – sapagkat magkakasama na
    Sa isang “posters area” ang pangalan nila;
    Mula sa Pangulo, pababa hanggang sa
    Para Konsehales, at lahat-lahat na!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here