‘MASTERMIND’
    Kontribusyon ni Plaridel tatalakayin sa kumperensiya

    294
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS— Buksan ang isipan at alamin ang mga nalihim na impormasyon hinggil sa buhay ni Gat Marcelo H. Del Pilar.

    Ito ang pinagsanib na mensahe ng Bulacan Salinlahi Inc., Radyo Bulacan at ng sangay sa Bulacan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) kaugnay ng pagsasagawa ng kauna-unahang panlalawigang kumperensiya sa buhay ni Del Pilar na mas kilala sa tawag na “Plaridel.”

    Ang kumperensiya na pinamagatang “Mastermind: Unang Panglalawigang Kumperensiya sa mga Kontribusyon ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa Rebolusyon at Paghubog ng Bansa”ay kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan ngayong Agosto ay ika-164 na kaarawan ni Plaridel.

    Ito ay isasagawa sa Malolos  Sports and Convention Center (MSCC) sa Sabado, ika-30 ng Agosto, simula ika- 1 ng hapon. Pangunahing tagapagsalita sa nasabing kumperensiya ang mananaliksik sa si King Cortez, isang dating guwardiya sa Macau at guro sa University de Manila (UdM).

    Sa panayam, sinabi ni Cortez na ang kanyang pananaliksik sa buhay ni Plaridel ay nagsimula nang siya ay makasama sa pagsasaliksik sa buhay ni Gat Andres Bonifacio na itinuturing na “Ama ng Himagsikan.” Ito ay kaugnay ng pagdiriwang ika-150 guning kaarawan ni Bonifacio noong nakaraang taon.

    “Talambuhay ni Bonifacioa ng aking sinasaliksik, pero napunta ako kay Plaridel dahil nung mabasa ko ang mga dokumento ay lumitaw na mas malaki at mas malawak ang papel ni Plaridel sa rebolusyon at paghubog sa bansa,” ani Cortez.

    Batay sa kanyang pananaliksik, lumalabas na si Plaridel ang utak o mastermind ng rebolusyong isinulong nina Bonifacio at mga kasama nito. Ito ay batay na rin sa mga testimonya ng mga kasapi ng Katipunan na dinakip ng Kastila matapos mabulgar ang plano sa rebolusyon ng mga kasapi ng Kataas-taas Kagalang- galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK).

    “Dito ka hahanga kay Plaridel, naitago niya ang kanyang pagkakakilanlan sa mahabang taon, in fact mahigit 100 taong nalihim ang kanyang koneksyon at kontribusyon sa rebolusyon,” sabi ni Cortez. Binigyang diin pa niya na sa mahigit 100-taong pagaaral at pagtuturo ng kasayasayan ay ngayon pa lamang mailalahad ng tuluyan ang katauhan ni Plaridel at kanyang mga kontribusyon sa bansa.

    “Imagine, mahigit 100 taon na tayong nag-aaral ng kasaysayan, pero ang pagkakilala pa rin natin kay Plaridel ay isang propagandista, at lumalabas na hiwalay ang Kilusang Propaganda sa Kilusang Katipunan,” ani Cortez. Iginiit niya na sa Agosto 30 ay kanyang patutunayan at ilalahad na si Plaridel ang nagbalangkas at nagplano ng rebolusyong isinulong nina Bonifacio laban sa pamahalaang Kastila.

    Bukod dito, ipinangako ni Cortez na pagkatapos ng kumperensiya ay tiyak na magbabago sa pagkakakilala ng tao, partikular na ng mga Bulakenyo kay Plaridel. Ang nasabing kumperensiya ay itinataguyod ng pamahalaang lungsod ng Malolos.

    Ito ay bukas para sa lahat na nais dumalo at makinig.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here