Home Headlines Malolos LGU, may help desk para sa mga OFWs sa Gitnang Silangan

Malolos LGU, may help desk para sa mga OFWs sa Gitnang Silangan

512
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Naglunsad ang lokal na pamahalaan ng Malolos ng help desk para sa mga kalungsod na overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng nagpapatuloy na sigalot sa Gitnang Silangan.

Layunin nitong agarang matugunan ang pangangailangan ng mga Maloleño na may mga kaanak na kasalukuyang naaapektuhan o naiipit sa naturang kaguluhan, kabilang ang pagbibigay ng tulong pinansyal at pag-uugnay sa mga kinakaukulang ahensiya ng pamahalaan.

Ayon kay Mayor Christian Natividad, aabot na sa 36 na indibidwal ang nabigyan na ng financial assistance ng pamahalaang lungsod habang may karagdagang 50 pa ang kasalukuyang pinoproseso.

Ipinagkakaloob ang tulong pinansyal sa mga kwalipikadong benepisaryo matapos ang isinasagawang masusing screening ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

Personal na ipinamahagi ni Malolos City Mayor Christian Natividad ang tulong pinansyal sa mga kapamilya ng mga overseas Filipino workers (mula sa lungsod na naapektuhan ng nangyayaring sigalot sa Gitnang Silangan. (City Government of Malolos)

Dagdag pa ng alkalde, ang mga kaso na nangangailangan ng repatriation ay agad na iniuugnay ng CSWDO sa mga ahensya ng pamahalaan upang mapabilis ang kaukulang aksyon at matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong OFWs.

Sakaling hindi makasama sa repatriation list ng pamahalaan ay maaari nilang sagutin ang pamasahe nito pauwi kung kinakailangan.

Samantala, nagsagawa pa ng ilang hakbang ang lokal na pamahalaan upang makatulong sa pagtitipid sa enerhiya.

Kabilang dito ang pagpapatupad ng four-day work week at araw-araw na “Earth Hour” kung saan pinapatay ang mga hindi kailangang ilaw sa mga tanggapan ng pamahalaang lungsod sa loob ng isang oras upang mabawasan ang konsumo sa kuryente.

Patuloy naman ang mga tauhan ng lungsod sa pagbabantay at inspeksyon ng mga gasolinahan upang maiwasan ang pananamantala sa pagtataas ng mga produktong petrolyo. (CLJD/VFC, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here