Maling sistema ng pagtulong

    668
    0
    SHARE

    ANG ibinibigay na tulong pinansyal
    ng ating gobyerno sa nakatatandang
    edad sitenta (70) pataas, pahirapan
    ang pagkuha n’yan sa kakaunting halagang
    kinakailangan pang sila ang personal
    na magpunta sa DSWD riyan

    Pagkat sanhi nitong karamiha’y hirap
    nang kumilos dala ng taglay na edad,
    at ang iba’y di na rin kayang maglakad
    mag-isa kung walang aakay at sukat,
    ‘yan sa ganang akin ihatid na lang dapat
    ng DSWD sa komunidad;

    Na nakasasakop… gaya halimbawa
    kung taga San Jose ang kaawa-awa
    at di na makaya pang magtungong kusa
    sa munisipyo at/o tanggapan kaya
    ng ‘social worker’ na siyang nagtatala
    sa ‘logbook’ n’yan ng mga nakatatanda

    At ninirahan sa bawat barangay
    na sakop ng alin mang lungsod at bayan
    ay ihatid na sa kinauukulang
    benepisaryo ang bagay na naturan,
    nang di na nga sila itong mapilitang
    bumiyahe ng kahit naka- ‘tricycle’ lang

    Para makuha ang katiting na tulong
    ng gobyerno at ni dalawampung kilong
    bigas di kasya ang limang daang pisong
    ibinibigay na ‘monthly social pension;’
    na kada tatlong buwan ay ‘lump sum’ ba itong
    ibinibigay ng ‘cash’ sa mga ‘seniors’?

    Na uugod-ugod na nga itong iba
    ay napipilitan pa silang magpunta
    sa DSWD para makuha
    ang kakarampot na naturang halaga;
    At natitiis ang sila ay pumila
    nang napakatagal sa maling sistema

    At kung di sila ang pumuntang personal
    para lang kunin ang tulong na pinansyal
    ay di makukuha? Ya’y kinakailangang
    mabago, at nang di lubhang mahirapan
    ang nakatatanda nating kababayan
    sa hindi marapat nilang maranasan.

    Mahirap bang gawin itong bawat isa
    ay sadyain na sa pamamahay nila
    nitong alin mang tanggapan o ahensya
    ng gobyerno upang ‘yan ay personal na
    nilang maibigay? At madetermina
    pati ang tunay na kalagayan nila.

    Kasama na riyan ang malalaman din
    kung malakas pa o maysakit ang ating
    ‘senior citizens’ na binibigyan natin
    pati na r’yan ng ‘medical assistance’ din;
    Nang sa gayon ang banal na mithiin
    ng ating gobyerno ay kanyang marating.

    Tama na, sobra na itong para lamang
    maipakita nitong ating mga lokal
    na opisyal na sila’y may natutulungan,
    ibinabandera sa harap ng bayan
    itong iipunin sa hayag na lugar
    ang pamimigay ng tulong na pinansyal.

    At kahit di galing sa sariling bulsa
    ang pinamimigay… gustong ipakita
    sa mata ng lahat – matulungin sila;
    Gaya na lang nitong ubod pa ng aga,
    apurado na sa pamumulitika,
    gayong ang eleksyon… sa 2019 pa!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here