Home Opinion Maligalig

Maligalig

758
0
SHARE

MAY NATUTUNAN akong salitang Tagalog sa bokabularyo ng mga Batangueno: ang salitang MALIGALIG. Ang ibig sabihin daw pala nito para sa mga taga-Southern Tagalog ay MAKULIT, MAGULO, PROBLEMADO, o iyung tipong DI-MAPAYAPA. “Ala-e bat ba kanina ka pa parang turumpo dya-an, ba’t ba ikaw e napaka-maligaleg?”

Ang ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa mga bagay na nakaliligalig sa atin dito sa mundo, at ang sikretong dapat nating matutunan o pag-aralan upang tayo’y MAPAYAPA. Pero bago iyon, itanong muna natin, ano ba ang madalas na nakaliligalig sa atin, o mga bagay na nagiging dahilan kung bakit kung minsan parang nababalisa tayo, naguguluhan o parang hindi mapayapa?

Apat na dahilan ang ibinibigay ni Hesus sa ebanghelyo natin ngayon. Mga bagay na nagdudulot ng pagkaligalig ng ating kalooban. Magkakarugtong ang apat na ito.

Una, pag may binitawan tayong salita pero hindi natin tinutupad ito. Pangalawa, kapag hindi natin tinutupad ang ating salita dahil nakakalimutan natin ang mga salitang binitawan natin, o sadyang nililimot natin. Pangatlo, kapag nababalisa ang loob natin o inuusig tayo ng konsensya dahil sa di-pagtupad na dulot ng pagkalimot. At pang-apat, kapag inuunahan na tayo ng takot na mawalan—mawalan ng mahal sa buhay, ng kayamanan, ng alaala, o mawalan ng katinuan. Ang mga taong insecure sa mundo ay mananatiling maligalig.

Ang sagot ni Hesus sa lahat ng apat na ito na dahilan ng pagkaligalig ay ang regalo niyang KAPAYAPAAN. Kung napansin ninyo, sa bawat Misa, inuulit natin ang mga salitang ito ni Hesus matapos na dasalin natin ang AMA NAMIN. Una dinadasal ng pari, “Hinihiling namin na kami’y iadya sa lahat ng masama, pagkalooban ng kapayapaan araw-araw, iligtas sa kasalanan at ilayo sa kapahamakan…”

Pagkatapos, bago siya bumati ng kapayapaan, dinadasal din ng pari, “Panginoong Hesukristo sinabi mo sa iyong mga apostol: kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo…” Hiniram ang dasal na ito sa ebanghelyo natin ngayon.

Dito niya sinasabi na ang kapayapaang kaloob niya ay di-tulad ng kapayapaang dulot ng daigdig. Iyan ang tipo ng kapayapaang pinanghahawakan ng mga nananalig sa siguridad na maibibigay ng kayamanan. Iyung umaasa sa siguridad na dulot ng armas o sandata o baril bilang depensa katulad ng ginagawa ngayon ng ibang mga bansa sa Europa. Parang lahat nagpapaampon ngayon sa NATO dahil sa pag-atakeng ginawa ng Russia sa Ukraine. Ito ang mentalidad ng mga walang maisip na panlaban sa karahasan kundi karahasan. Pero ang ganyan, imbes na mapayapa, lalong naliligalig. Kasi, alam din nila na pag may nasaktan sila, gagantihan din sila ng mga ito pagdating ng panahon.

So, ano ang susi ng tunay na kapayapaan para kay Hesus? Hindi ito sa atin nakasalalay kundi sa Diyos. Ito ay biyaya. At ito ang gusto niyang iregalo sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ano ba ang ituturo sa atin ng Espiritu Santo na siya lang makapagdudulot sa atin ng kapayapaan?

Una, tuturuan niya tayong tumupad ng ating salita. Ito ang madalas na maging sanhi ng problema sa daigdig. Kapag hindi mo mapagkatiwalaan ang salita ng tao dahil laging salungat na ang sinasabi sa iniisip o ginagawa. Nadadala ang tao kapag ang mga pangako ay napapako. Hindi mabubuo ang pagkatao ng taong walang isang salita. Kaya pala ang tawag natin sa mga taong marunong tumupad ng salita ay MAY INTEGRIDAD. Ibig sabihin, buo, hindi hati ang pagkatao.

Pangalawa, dahil ang madalas na maging dahilan ng hindi pagtupad sa salita ay pagkalimot, sabi ni Hesus, ang Espiritu Santo daw ang magpapaalala sa atin. Kaya siguro taon-taon sinasariwa natin ang mga pangako natin, isinasaritwal natin, sinisimbolo natin, sinusuot natin katulad ng singsing, dahil alam natin, tulad nga ng sabi ng kanta, “Ang tao’y marupok kay daling lumimot.” Hindi ba may kasabihan, “Those who do not remember the past are doomed to repeat it?”

Pangatlo, aalisin ng Espiritu ang mga takot at pangamba upang mapanatag ang ating loob. Totoo namang mga takot ang madalas maging dahilan kung bakit di tayo makatulog, hindi mapanatag, o hindi makatagpo ng katiwasayan sa buhay.

At pang-apat, tuturuan tayo ng Espiritu ng pinakamabisang susi ng kapayapaan: ang tiwala sa Diyos. Maghahanap talaga tayo ng kakapitan kapag wala tayong tiwala na may sasalo sa atin pag tayo’y nahulog. Kaya tinuturuan niya tayong bumitaw, na huwag kumapit sa mga bagay na lumilipas.

Sa buhay daw ng isang agila, kapag nabubuo na ang mga pakpak nito, unti unti siyang iniiwan ng nanay at tatay niya. Minsan, hahayaan siyang magutom at hindi muna dadalhan ng pagkain para matutong lumabas sa pugad. Hahayaan siyang mahulog mula sa pugad habang nakabantay ang tatay niya sa may kalayuan para saluhin siya sa mga unang pagkahulog. Uulit-ulitin daw ito hanggang sa matutuhan niyang gamitin ang kanyang mga pakpak. Parang malupit, pero paraan lang pala ito ng ama para turuan tayong lumipad. Iyun pala ang sinasabi ng kinakanta natin sa simbahan na galing sa Salmo:

“And He will raise you up on eagles’ wings, bear you on the breath of dawn, make you to shine like the sun and hold you in the palm of his hand.”

(Homiliya Para sa Ikaanim na Linggo ng Pagkabuhay, ika-24 ng Mayo 2022, Juan 14:23-29)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here