APAT NA TAON na’t eksaktong pitong buwan
nitong a beinte tres ng Hunyo, kabayan
nang maganap sa bayan ng Ampatuan
ang makahayop na ginawang pagpatay
Sa mahigit limampung kawawang sibilyan,
na hinarang basta sa gitna ng daan
ng anak ng isang naghaharing angkan,
at sila ay brutal na pinagpapatay.
Kung saan “mediamen” ang tatlumpo’t apat
na umalalay lang sa pagpa-‘file’ dapat
ng COC sana ng mahal na kabiyak
ni Mangudadatu sa may Shariff Aguak.
Pero bago pa man nga yan makarating
sa naturang lugar na nais sadyain,
sila’y hinarang na at pinagbabaril
at doon na rin yan tinangkang ilibing
Upang maitago sa mata ng batas
pero di nakayang ilihim ang lahat
dahilan na rin sa bangkay na nagkalat
na di niyan nakuhang ibaon kaagad.
Natagpuan sa lugar ng krimen ang ‘backhoe’
na pag-aari ng Capitol umano,
kaya di malayong ang Governor mismo
ay may kinalaman sa ‘massacre’ na ito.
Kilala na ayon sa naging resulta
ng imbestigasyon ang utak talaga,
kaya lang tikom ang bibig ng hustisya
kaya’t di matukoy kung sino nga siya.
Mantakin mong halos maglilimang taon
na ang ating napag-uusapan ngayon,
pero ni isa ay walang naipakulong
ang korte base sa marapat na hatol?
Gayong karamihan sa mga salarin
na itinuturong kasamang namaril
ni Andal, Jr. ay matagal na ring
Nakadetine yan simula nang dakpin.
Pero dahil nga sa laging usad pagong
ang ‘justice department’ sa dapat isulong,
Yan ay abutin man ng tatlumpong taon
ay di pa marahil magka-resolusyon.
Hanggang kailan pa ba itong sawimpalad
na naging biktima ng walang katulad
ng krimeng sa ating bansa ay naganap
sa loob lamang ng sasandaling oras
Kung di kikilos ang ‘department of justice’
upang tugisin ang sa ‘Media’ ay galit
at ilag palagi sa ating paghahatid
ng impormasyon at bagay na matuwid
Gaya nitong sila ay binabatikos
ng Media hinggil sa gawaing baluktot;
Ang palagi nilang sa amin panakot –
ay mapanatili nila kaming tulog!
Ilang ‘mediamen’ na itong sa panahon
ng kagalang-galang na Pangulong PNoy
ang napaslang pero hindi pa matukoy
ninuman ang nasa likod hanggang ngayon
At patuloy pa ang pagdami ng bilang
nitong sa amin ay mga napapatay
ng dahil lamang sa makatotohanang
impormasyong dapat malaman ng bayan.
‘4 years and 7 months,’ patuloy ang bilang
ng mga ‘journalists’ na binubusalan
ng bala, pero ang kinauukulang
sangay ng hustisya nakatulala lang!