CABANATUAN CITY – Bukas ang mga naglalabang pulitiko sa Nueva Ecija sa posibilidad na ipasailalim sa kontrol ng Commission on Elections (Comelec) ang lalawigan samantalang magsasagupa ang malalaking pamilya sa halalan sa 2013.
Kapwa nagpahayag sina Gov. Aurelio Umali at Rep. Josefina Manuel-Joson (1st district) na maaaring makakabuti sa lahat ang ganoong sitwasyon.
Sina Umali at Joson ang magsasagupa sa pagka-gubernador sa darating na Mayo batay sa talaan ng panlalawigang tanggapan ng Comelec.
Tatangkain ni Joson, maybahay ni dating bise gubernador at kasalakuyang Mayor Mariano Cristino Joson ng Quezon na hadlangan ang reeleksiyon para sa ikatlong termino ni Umali at ibalik ang pamumuno ng pamilya Joson sa Kapitolyo.
Si Mariano Cristino ay tatakbong kongresista ng unang distrito, kapalit ni Manuel-Joson.
“Hindi ako pabor na ang Nueva Ecija ay hot spot,” sabi ni Umali matapos isampa ang kanyang certificate of candidacy.”But I am in favor that the province of Nueva Ecija be placed under Comelec control,” dagdag niya.
Sinabi ng punonglalawigan na sinikap niyang maalis ang Nueva Ecija sa talaan ng mga election hot spots simula pa nang siya’y mahalal sa Kapitolyo noong 2007.
“That is my dream and we were able to prove the same last elections,” sabi niya.
Ipinahayag din ni Joson ang paniniwalang makapag-aangat sa kaayusan at kapayapaan ng Nueva Ecija ang kontrol ng Comelec.
“Palagay ko magigigng napakapayapa at wala akong ini-expect na mga untoward incident,” ani ng kongresista.
Sa pamamagitan ng Comelec kontrol ay magiging kapani-paniwala at payapa ang proseso ng halalan, sabi pa ni Umali.
“Dun lang natin maipapakita na hindi puwedeng gamitin kami man ang nasa poder yung aming impluwensiya sa lahat po ng mga sangay ng pamahalaan (provincial),”aniya.