Makaraan ang makasaysayang “tele-nobela” ng Senate impeachment proceedings para kay Chief Justice Renato Corona, tila nakahinga na ang bansa.
Nairaos ang proseso ayon sa itinakda ng Saligang Batas.
Nagkaisa ang sambayanan sa pagtalima at paggalang sa itinalagang Senate Impeachment Court. Ang sektor ng media bilang Fourth Estate ay nagpamalas ng disiplina at paggalang dito.
Marami ang nagpahayag ng opinyon at mga puna sa kung ano ang tama, mali, at dapat asahan.
Ang mga kinakitaan ng pagkukulang o pagmamalabis mula sa depensa at prosekusyon ay tumanggap ng karampatang pagkastigo mula sa mga senator-judges. Hindi nakalusot ang anumang “delaying tactics.”
Maging ang pagtatakip ng tenga ay sinupil.
Sa nakaraang limang buwan walang namuong pagkilos mula sa anumang grupo upang basagin ang kaayusan sa paglilitis. Sa pamumuno at pagrerenda ni Senate President Juan Ponce Enrile, naging maingat ang mga hukom sa kanilang tungkulin.
Bagamat may mga debate o usapin, dagli naman ang katahimikan sa isang tawag lang ni Senate President Enrile na umani ng paghanga ng taumbayan.
Ginamit ni Enrile ang ekspiryensiya at talino sa pagbibigay ng “due process” at sa pagtatanggol sa integridad ng Senate Impeachment Court.
At, sa dulo ng paglilitis, lumabas din ang katotohanan. Ang pag-amin ni Corona sa mga halaga ng kanyang peso at dollar accounts na hindi niya idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Natutukan ng taumbayan ang paglilitis, salamat sa mga TV networks na nagbigay ng live coverage, ganoon din sa mga dyaryo, internet, at social media.
Ito ay ilan lang sa mga positibong kaganapan kaugnay ng paglilitis. Mahalaga na mapuntuhan ang mga ito at mapagnilaynilayan. Pakatandaan sana natin ang mga aral mula rito, lalo na sa mga opisyal na hindi pa buo ang katapatan sa sambayanan.
Sapagkat ngayon, higit pa nating pag-iibayuhin ang kampanya laban sa katiwalian.
Malaki ang pasasalamat natin sa sambayanan na nagpamalas ng pagkakaisa at displina sa buong pagdaos ng naitakda ng Saligang Batas. At nakita naman natin ang magandang bunga ng paggalang sa ating mga institusyon.
Bagamat tila krisis din ang ating pinagdaanan, ito naman ang nagkaloob ng daan upang pagkasunduan ang hangaring matumbok ang katotohanan – at italaga na ang “transparency” sa pamahalaan.
Napagtibay din sa paglilitis ang kahalagahan ng pagsasabatas ng Freedom of Information (FOI) bill, na magbibigay ng karapatan sa taumbayan na alamin ang impormasyong dapat naman ay pampubliko gaya ng mga kontrata, presyo ng proyekto, budget at SALN ng mga kawani ng pamahalaan sa ngalan ng good governance.
Sana’y manatili ang pagkakaisang namuo sa atin sa panahon ng paglilitis.
Sapagkat ang pagkakaisa ang magkakaloob ng ibayong lakas at kahusayan sa pagharap sa mga susunod pang pagsubok, lalo na ngayon sa usaping territorial integrity sa pagitan ng ating bansa at Tsina.
Ang pagkakaisa ang mas malakas na pwersa na hindi kayang maliitin ninuman at nang anumang uri ng sandata.
Ang pagkakaisa din ang magbibigay daan sa pagpapalawig ng ating political maturity at stability, ang mga mabisang sangkap ng pagpasok pa ng bagong sa bansa.
Higit sa lahat, maging malinaw sana sa ating lahat na ang katiwalian at korupsiyon ang kumunoy ng kahirapan.
Ngayong natapos na ang paglilitis, magkaisa na tayo laban sa katiwalian, upang ‘di tayo maliitin ninuman.