HAGONOY, Bulacan—Wala ng buhay nang matagpuan ang isang 40-anyos na lalaki sa bayang ito halos isang araw matapos tumalon sa ilog noong araw ng Linggo.
Kaugnay nito, nagbabala ang mga opisyal sa mga residente na mag-ingat sa paliligo sa ilog lalo na ngayong tag-araw.
Ang biktima ay nakilalang si Pablito Tanjuan Bautista,40, hiwalay sa asawa at may isang anak at residente ng Barangay Mercado sa bayang ito.
Ayon kay Edgardo Montances, kasapi ng Asuhos Team ng Hagonoy Rescue Group (HRG), ang biktima ay nakipag-inuman sa mga kaibigan noong araw ng Linggo.
Bandang ala-1 ng hapon ay tumalon sa ilog ang biktima upang magpalamig ng katawan.
Inakala ng mga kainuman na tuluyang naligo si Bautista, kaya’t alas-5 na ng hapon iniulat ang pagkawala nito.
Agad namang tumugon ang Asuhos Team and HRG ngunit kinabukasan ng alas-11 ng umaga natagpuan ang katawan ng biktima sa ibayo ng ilog sa bahagi ng Barangay San Nicolas.
Ayon kay Montances, hindi nalayo ang katawan ng biktima sa nilusungang bahagi ng ilog dahil sa nasabay sa high tide ang pagkalunod nito.
Kaugnay nito, nagbabala ang HRG sa maliligo sa ilog na mag-ingat at iwasan ang pag-inom ng alak.
Ayon kay Montances, plano rin nila na magtalaga ng mga kasapi ng HRG kabilang ang Bangus Team sa mga pangunahing ilog sa bayang ito, partikular na sa Angat River, Labangan Channel at Halang River.
Sinabi pa niya na tradisyon na sa bayang ito ang paliligo sa ilog ng mga kabataan kapag tag-araw.