DINALUPIHAN, Bataan- Tubig na may halong krudo ang lumalabas tatlong araw na ngayong Linggo sa ilang posong de bomba sa Barangay San Pablo dito matapos mabutas ang bahagi ng oil line noong ika-29 ng Nobyembre.
Tumagas din ang langis hanggang sa malaking ilog na agad namang nilagyan ng containment boom upang hindi masiyadong kumalat. Sa pamamagitan ng mga binutas na lupa sa gilid ng ilog, sumibol ang krudo na nagsilbing pansamantalang hanap-buhay ng maraming residente.
“Hindi na namin magamit ang tubig dahil krudo ang lumalabas,” daing ni Marilou Sanchez matapos ipakita ang maruming tubig na amoy langis na lumalabas sa kanyang posong de bomba.
Ayon kay Roberto Depadua, barangay kapitan ng San Pablo, may 300 pamilya ang apektado sa kanilang pang-araw-araw na gamit na tubig na inumin, pagluluto, paglilinis, pampaligo at paglalaba.
“Nagrereklamo na mga ka-barangay ko dahil bukod sa apektado ang gamit nilang tubig sa bahay, umabot sa ilog dahil grabe ang lakas ng dumaloy na langis sa loob ng apat na araw,” sabi ng kapitan.
Sinabi ni Depadua na kasalukuyang nagbabarena sa lupa ang mga tauhan ng Contel, na diumano’y isang Korean firm, nang aksidenteng tamaan ang malaking tubo ng langis malapit sa barangay hall.
Ang pipeline na diumano’y pag-aari ng Coastal Petroleum Corp. ay mula Subic Bay Metropolitan Authority hanggang sa Clark sa Angeles City, Pampanga na dumaraan sa maraming bahagi ng Dinalupihan kabilang ang San Pablo.
Naghuhukay ang Contel sa San Pablo upang magbaon ng linya ng telepono na ayon kay kapitan ay pag-aari ng Smart.
Sinamantala ng maraming residente ang sumisibol na krudo sa gilid ng ilog. Gamit ang tila salaang damit, napaghihiwalay nila ang kaunting tubig na humalo sa krudo na nabibili ng P100 bawat isang galon.
Isang lalaki ang nagsabing mula alas-4 ng medaling araw hanggang alas-8 ng umaga ay tatlong galon na ang kanyang nakuha kaya may P300 na siya. Nakaantabay ang isang namimili at agad nitong binabayaran ang krudong na sala na.
Patuloy naman ang pagkukumpuni sa mga pipeline ngunit walang gustong magsalita. Isang fire truck na umano’y pag-aari ng Coastal Petroleum ang naka-istandbay sa San Pablo.